top of page
Writer's pictureJasmine Joy Panes

Walang EDSAan ang pagkatuto



Tatlumpu at pitong taon na ang nakalilipas nang mapatalsik ang isang diktador na siyang nagpahirap sa Pilipinas sa loob ng na 14 na taon. Subalit, mistulang hindi parin natuto ang mga Pilipino sa malagim na nakaraan sapagkat ngayon ay muling nakabalik sa pinakamataas na posisyon ang isang Marcos.


"Golden Era" kung ituring ng mga tagahanga ng rehimeng Marcos. Ayon sa kanila ay may 'disiplina' ang mga tao dahil sa mahigpit na curfew. Dagdag pa, nasa 2,050 na batas ang naipasa sa kaniyang pamumuno. Panghuli, maraming istraktura ang naipatayo kagaya lamang ng San Juanico Bridge at Cultural Center of the Philippine Complex. Kung kaya't ayon sa kanila ay magandang maibalik muli ang mga Marcos sa puwesto upang maipagpatuloy ang mga nagawa nito.


Subalit, sa likod ng sinasabing ‘disiplina’ ay ang bilang ng mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao. Ayon sa Rights group Amnesty International, nasa 70,000 katao ang ipinakulong, 34,000 ang na-torture, at 3,240 ang pinatay noong Batas Militar. Hindi pa kabilang dito ang mga ginahasa, walang habas na pananakit, pagkitil sa mga sumasalungat sa namamahala, pagpapasara sa mga pahayagan, at iba pang mga pang-aabuso ng puwersang militar mula 1972 hanggang 1986.


Pagkatapos ng 14 na taon, iniwan ng dating Pangulong Marcos Sr. ang Pilipinas sa mapanghamong krisis-pinansyal. Ayon kay Eduardo Tadem, propesor mula UP Diliman at pangulo ng Freedom from Debt Coalition, na sa kabila ng mga istrakturang naipatayo ng rehimeng Marcos ay lumobo nang 4,600% ang utang ng bansa; mula sa $26 milyon ay naging $600 bilyon. Dagdag pa, bumaba ang ekonomiya ng bansa nang 7.3% mula 1984-1985. Kung kaya’t ngayon ay mahigit $25 billion ang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos ayon sa Korte Suprema ng Pilipinas.


Ang pagkamatay ni Ninoy at ang iba pang kalapastangan sa karapatang pantao ng naturang administrasyon ay nagbuklod sa milyon-milyong Pilipino upang baktasin ang kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) noong Pebrero 22-25, 1986. Ipinakita ng mga ito ng may isang adhikain at dahilan upang makamit ang hustisya at demokrasya sa lupang sinilangan.


Subalit, mistulang pinagsawalang-bahala lamang ito ng kasalukuyang henerasyon dahil sa ikalawang pagkakataon ay naihalal muli sa pinakamataas na posisyon ng bansa ang kaniyang anak na si Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.


Ang pagbabalik ng isa pang Marcos sa puwesto ay ang paglimot sa layunin ng EDSA People Power na mapatalsik ang pamilyang nagpahirap sa bansa. Ito ay direktang insulto sa mga biktima ng karumal-dumal na Martial Law. Tila binaon na lamang sa limot ang kanilang bilyon-bilyong ninakaw sa Pilipinas. Kahit pa sabihin ng iba na hindi niya kasalanan ang gawain ng kanyang ama, ang hindi nito pagkilala sa mga maling gawain nito ay nagpapatunay lamang ng kaniyang pagkunsinti rito. Ang kaniyang kampanyang “sama-sama tayong babangon muli” ay mistulang nakalaan para sa kanilang pamilya lamang, at hindi sa mga Pilipino. Mungkahi ng Pangulo sa World Economic Forum sa Switzerland na kaya umano ay pumasok siya sa politika ay upang linisin ang pangalan ng kanilang pamilya. Nakapanlulumong isipin na sa kaniyang pag-upo ay lumobo nang 8.9% ang inflation rate, humina ang piso kontra dolyar nang 8%, nagmahal ang mga bilihin, at mas lalong nadiin ang sektor ng agrikultura na siya mismo ang Kalihim.


Ngayong ika-37 na anibersaryo ng EDSA People Power ay dapat alalahanin natin ang tunay na kahalagahan ng mapayapang rebolusyong ito. Nararapat lamang na isipin na hindi tayo nagkaroon ng ganitong kalayaan kung hindi ito pinaglaban ng mga Pilipino. Malinaw ang aral ng nakaraan ngunit maraming nagbibingihan at pilit na nagbubulagbulagan. Sa kamakailan na pagbago ng petsa ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ay maliwanag pa sa kristal na tubig na hindi lamang araw ang binago, bagkus ang kasaysayan mismo.


Isang kabalintunaan na ginugunita natin ngayon ang pagpapatalsik sa diktadurang pamahalaang Marcos gayong panibagong Marcos ang muling nakapasok sa Malacañang. Tila ay naulit, nauulit, at mauulit lamang ang mga ito sa kasalukuyan.


Nasaan ang ating pagkatuto? Wala.


97 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page