Illustration by Louise Abing
Hindi tututol ang sambayanang Pilipino kung hindi nito naramdaman ang banta ng Sim Registration Act sa kaligtasan ng mga personal na impormasyong naibahagi ng bawat Juan sa mundo ng internet. Sa kabila ng pagsubok na mabawasan ang cybercrimes sa pamamagitan ng batas na ito, marami pa rin ang butas sa implementasyon—patunay na hindi ito napaghandaan. Ngayong araw kung kailan ipinagdiriwang ang Data Privacy Day sa internasyunal na komunidad, isang malaking sampal sa mukha ng pamahalaan ang katotohanang hindi pa rin kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa teknolohikal na seguridad ng ibang bansa.
Nilagdaan ng Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 11934 o kilala sa “Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act” noong Oktubre 10, 2022 na may layuning gawing obligado sa lahat ng Public Telecommunications Entities (PTEs) na humingi ng rehistrasyon sa lahat ng gumagamit ng SIM cards bago ito ma-activate. Dagdag pa, ito ay hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga konsyumer laban sa mga ilegal na gawain kagaya ng text scams, phishing, at paggagantso sa pamamagitan ng Short Message Service (SMS). Sa pamamagitan din nito ay matutulungan ang mga awtoridad sa pagtukoy at paglutas ng mga krimen.
Subalit, ang mismong sistema ng rehistrasyon ay hindi ligtas at mapagkakatiwalaan dahil wala itong maayos na verification system. Agad-agad na naaprubahan ang mga nagrehistro sa PTE, hindi kagaya ng mga e-wallet apps na may istrikto at mabusising proseso na minsan ay umaabot pa ng ilang araw bago maberipika. Noong Abril 4 ng nakaraang taon, naaresto ang isang negosyanteng Tsino at isang Pilipinong nagbebenta ng pre-registered SIM cards na mayroong pekeng mga pagkakakilanlan. Nahanapan naman ng National Bureau of Investigation (NBI) ng butas ang sistema nang matagumpay nitong narehistro ang isang SIM sa pamamagitan ng paggamit ng mukha ng unggoy, kung kaya’t ang ito ay madali lamang na mamanipula sa pamamagitan ng mga pekeng ID. Batay pa sa ulat ng National Telecommunications Commission (NTC), mahigit 45,000 na reklamo ang kanilang natatanggap sa kabila ng buong implementasyon ng SIM Registration.
Bukod dito, dahil kabilang sa pagrehistro ay ang pagbigay ng personal na impormasyon kagaya ng pangalan, kaarawan, tirahan, isang selfie, at maging mga government-issued IDs, isang malaking banta ang potensyal na pag-access ng mga hacker sa database mula sa pagsusumite ng SIM. Sa katunayan, ayon sa ulat ng Rappler noong Abril 2023 ay mahigit 1.2 milyong impormasyon ang na-leak mula sa mga ahensya ng gobyerno kagaya ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat, Kawanihan ng Rentas Internas, at Komisyon sa Serbisyo Sibil.
Ito ay patunay na kahit ang mga nauna at malalaking ahensyang protektado ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ay hindi nakasisiguro na ang mga datos nito ay may depensa mula sa privacy breach.
Hindi lamang ang mga hacker ang ikinababahala ng sambayanan, ngunit pati na rin ang gobyernong madaling makaka-access sa pamamagitan ng subpoena na mula sa isang “awtoridad”. Malaki ang posibilidad na ito ay gamitin sa personal na interes ng mga nakaupo, bagay na siyang ikinatatakot ng mga indibidwal.
Kaakibat ng pag-unlad ng teknolohiya ay ang pagsasaalang-alang sa seguridad ng mga personal na datos na naipasok sa internet. Bilang paggunita sa kasunduan ng privacy and data protection ng Convention 108 na nilagdaan noong January 28, 1981 sa pagitan ng United States at Canada, mainam pa rin na tayo mismo ang gumawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang sarili.
Alalahanin natin sa araw na ito ang ilan sa mga maaari nating gawin ay ang pag-iingat sa paglalagay ng mga personal na impormasyon sa internet, huwag basta-bastang maniniwala sa mga nakikita at nababasa, umiwas sa kahina–hinalang mga link, at pagba-browse sa mga ligtas na website lamang. Maaari ring limitahan ang ating mga ibinabahagi sa social media upang makaiwas sa identity theft at fraud.
Isang kabalintunaan kung maituturing na ang mundo ay naipagsasabay ang pag-unlad ng teknolohiya at ang proteksyon nito subalit ang Pilipinas ay patuloy na napag-iiwanan ng panahon. Ang mga batas ng bansa ukol sa paggawa ng isang ligtas na internet space ay palaging mayroong kapalpakan na siya namang hindi agad-agad nagagawan ng interbensyon. Sa sitwasyon ngayon, ikinatatakot nating lahat na maaaring sa huli ay magamit lamang sa hindi kaaya-ayang bagay ang ating mga datos. Tiyak na magiging balewala lamang ang ating pag-iingat at pagdiriwang ng Data Privacy Day kung ang mismong sistema ng pamahalaan na ating inaasahang magpapanatili ng seguridad ng ating mga ibinabahaging datos ay wala ring kasiguraduhan.
Comments