top of page
Writer's pictureNiel Zsun John Vega

SeBack Takraw: Unang regu tournament, sinipa sa MSU-Gensan

“Win or lose, kami na mga alumni is very happy kasi one of the purpose of this event is to reunite with former teammates and former champions from different eras sa MSU.”

Maringal na sinabi ng dating Kabantugan Awardee at Mindanao State University – General Santos City (MSU-GSC) alumnus na si Irvin Dwight Costaños matapos ang naging panalo nila sa pagpapasinaya ng Sepak Takraw Club 1st Inter-Alumni Tournament na ginanap sa Himnasyo ng MSU-GSC, August 16.


Sa kabila ng pabago-bagong panahon ay pinagbuklod ang mga takrawista mula sa iba’t ibang kapanahunan na minsan din inerepresenta ang paaralan sa mga kompetisyon noon. Naroon sa pagdalo ang mga leyenda ng regu, tulad ng Batch ‘96 graduate at naunang manlalaro ng MSU-GSC Joemar Panuncillo na ngayon ay isang matagumpay na tagasanay ng Katangawan Central Elementary School (KCES) sa larong sepak takraw kung saan bumida ito sa kabuuan na pitong Palarong Pambansa at sumungkit ng isang pilak at dalawang tanso, dagdagan pa ito ng mga kampeonato niya sa Batang Pinoy dahilan ng kanyang pagtanyag sa larangan ng takraw.


Isa lamang si Panuncillo sa iba pang magagaling na indibidwal na nakisipa sa torneyo, sumatotal, kumartada ang walong koponan sa double-elimination na sistema upang makamit ang hangad nitong panalo.


Umabanse sa championship round ang koponan nina Christofferson Del Sol, Irvin Dwight Costaños, at Albani Abbas matapos nitong dominahin ang winner’s bracket sa 3-0 na talaan, sa kabilang banda ay naisulong naman ng grupo ng tekong na si Ian Carl Almeniana ang pagbabanta sa loser’s bracket dahil sa forfeit na regalo ng tropa ni Panuncillo.


Agarang pagmando mula sa maalab na pag-atake ang ipinamalas ng koponan ni Del Sol upang tuluyan na sikwatin ang unang gantimpala sa 21-11, 21-17 dominasyon. Natalo man ay bumida sa grupo ni Almeniana ang mga dalagang ‘grassroots’ na sina Shane Viel Dayanan ng Fatima National High School (FNHS) at Angeline Calibay na kasalukyang manlalaro ng Eulogio "Amang" Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at produkto ng Heneral Santos sa tunggalian ng regu.


Ang torneyo ay isang hakbang ng Sports Development Office (SDO) ng MSU-GSC na mas paigtingin pa lalo ang sepak takraw at iba pang isports sa pamantasan upang magsilbing pintuan sa mga oportunidad tulad ng Chancellor’s Cup na una nang ginanap sa larong football.


“I really wanted to pan out that the sepak takraw will be established for the long term,” ani SDO Chairperson Prof. Sammielyn Lavente. “Yung passion po natin sa sports, continue lang po natin. Not just today but in a long term,” dagdag pa niya.

Sa pangunguna ni Christofferson Del Sol katuwang ang MSU-GSC Sepak Takraw Club at SDO ng nasabing institusyon ay magkakaroon ng MSU-GSC 1st Sepak Takraw Open Tournament na aarangkada ngayong August 26.



192 views0 comments

Comments


bottom of page