top of page

Paninindigan ang pananagutan, hindi panandalian

Jeromelee M. Piana

Naiintindihan ko naman na hindi madaling mamahala ng isang organisasyon o publikasyon bilang mga estudyante dahil may mga kanya-kanya rin tayong responsibilliad sa pag-aaral natin. Mas madali pa nga sigurong itakbo ang kaban ng bayan ‘gaya ng ginagawa ng mga buwayang magnanakaw sa gobyerno kaysa ang bitbitin ang responsibilidad ng paghawak sa pera ng kapwa estudyante. Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin naman malaking kahilingan ang asahan na mapangasiwaan nang maayos ang perang kinokolekta sa aming mga estudyante tuwing enrollment period, bagay na hindi nagawang gampanan ng Pingkian para sa unang semestre ng kasalukuyang taong panuruan.


Pebrero 12 nang ipagpatuloy muli ang hindi natapos na General Assembly ng College of Social Sciences and Humanities Students’ Organization (CSSHSO) sa nagdaang Enero 23. Sa muling pagtitipon na ito ng mga Taliba, isiniwalat ang findings ng Commission on Audit (COA) sa pinansyal na rekord ng Pingkian, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral sa CSSH: adverse opinion. Ibig sabihin nito ay marami ang hindi akma ang detalye at kinailangan ng paglilinaw sa kanilang rekord pinansyal. Ito ay matapos lumabas mula sa pag-audit ng COA na maraming mga resibo ang nawawala, mga disbursement voucher na walang pirma ng kanilang adviser at ng nakatanggap, at ang malala pa rito ay napag-alamang ginamitan ng correction tape ang kanilang passbook. Sa madaling salita, napakagulo ng kanilang pinansyal na rekord. Sapat itong implikasyon na wala sa ayos ang piskal na pamamahala ng Pingkian. Nakakaalarma. Hindi maaasahan. 




Matapos ang one-week grace period na itinawad sa kanila ng COA, mula sa adverse opinion ay nagawa namang makakuha ang Pingkian ng qualified opinion—nabigyan na ng kasagutan ang mga nakakabahalang butas na naging produkto ng iresponsable nitong pagpapatakbo ng kanilang mga pinansyal na operasyon. Naisinumite na ang mga dokumentong hinihingi ng COA. Tapos na—o tapos na nga ba? Dapat bang matapos ito?


Ang bawat tanong ay sinusundan ng panibago—nakakapagpabagabag, animo’y walang kataposang pagsisiyasat.


Iyon na ba iyon? Masasabi na bang tapos na ang unos para sa Pingkian? Napanagutan na ba nila ang pagkasipyat nila? Napunan na ba nila ang pagkukulang nila?


Napakaraming tanong, pero bago pa man malihis ang tunay na isyu sa usaping ito, gusto kong maging malinaw na higit sa lahat, mas mabigat ang pananagutan ng Pingkian sa mga Taliba kaysa sa COA. Hindi rin dito natatapos ang isyung ito. Hindi maari—dahil kung sa tuwing gaganapin lang ang general assembly mapapanagot ang Pingkian at masusuri, para lang tayong naglalagay ng maliit na tigpipisong band-aid sa isang malaking sugat kahit pa hindi maikakaila ang nagbabadyang pagdanak muli nito ng dugo. Pansamantalang lunas sa sakit na pwede namang gamutin nang tuluyan.


Hindi na bago sa naratibo ng ating pamantasan ang pagkawala ng pondong nagmula sa mga MSUan. Nangyari nang nagbayad ang mga estudyante sa mga fees para sa kolehiyo, departamento, at iba pa para lamang itakbo at lustayin ng ilang estudyanteng opisyales para sa kanilang pansariling interes at upang magpakasasa. Pampublikong pondo na ginawang personal na pag-aari. Dito nag-uugat ang histerya at pagka-alma sa kwestiyonableng rekord pinansyal ng Pingkian—takot na baka maging realidad ang naratibong ito sa publikasyon. 


Hindi rin maitatanggi na dahil sa kinahantungan ng Pingkian kaugnay ng kanilang rekord pinansyal ay nadungisan na ang kredibilidad nito bilang isang publikasyon—bilang isang platarporma ng mga Taliba upang kilatisin ang lumalalang pagkabulok ng sistemang nagpapahirap sa ating mga Pilipino, upang ilathala ang kwentong Pilipino mula sa lenteng sosyal, siyentipiko, at makatao. Kung hindi nito kayang pamahalaan nang maayos ang sarili nito, anong mukha ang ipe-presenta nito kung ito’y magpapaulan ng batikos sa mga korap na aktibidad ng mga nakaupo sa gobyerno? Anong moralidad ang katatayuan ng Pingkian kung magpapatuloy ang ganitong eksena pagdating sa kanilang pinansyal? 


Kung may isang bagay man na dapat matutunan ang Pingkian mula rito, iyon ay ang pananagot ay hindi lamang pagsumite ng mga dokumento o punan ang mga hinahanap ng COA sa kanila. Simula pa lamang ito—sa katunayan, ang tunay na pananagutan ay ang pagsigurong hindi na ito mauulit pa; na sa susunod na general assembly, kasiya-siya nang makita na ang findings ng COA sa kanilang talaang pinansyal ay hindi na nakakahiya, nakakaalarma, at kahina-hinala.


Ang tunay na pananagutan ay paninindigan sa mga prinsipyo ng malinis at mapagkakatiwalaan na pamamahala. Hindi ito pang-isang araw o isang linggong aktibidad. Kalakip nito ay ang pagsigurong may pagbabago sa kanilang pagpapatakbo dahil dapat ay may magbago. Ang magkamali ay isang bagay, ngunit ang paulit-ulit na pagkalihis sa tama ay iba na—hindi na tama, pang-aabuso na ito. Tahasan na itong pagbigo sa aming mga Taliba. 


Sana sa susunod, hindi ko na masabi sa sarili kong, “Worth it ba jud akong 100 ani nila?” dahil sa bawat isang daan na mula sa aming mga Taliba ay malaking piraso ng aming tiwala—tiwala na sana ay bigyang hustisya at mapanindigan. 


 
 
 

Comments


bottom of page