top of page
Ronajean May Lavado

PagtaNOW: Bayaning Namayani sa Ating Lahi


Ang tunay na bayani ay hindi lamang nagpakamatay para sa kalayaan at kapakanan ng kanyang lahi kundi ang tunay na kahulugan nito ay ang pagsisilbi sa lahat ng aspeto para sa kaayusan ng nakararami ng walang may pinipili, lagi't lagi.


Mabuhay ang mga Bayaning Pilipino!


Sa muling pagtanaw natin sa dakilang mga bayani nitong ating bayan, nakasulat na sa kasaysayan at naitatak na sa puso ng bawat juan ang sakripisyo na inalay nila para sa kalayaan, katahimikan at kaunlaran ng minamahal nating bayang sinilangan. Ngunit ang tunay na pakahulugan ng pagiging isang bayani ay hindi lamang nagtatapos doon sa mga gumamit ng dahas sa pagtanggol ng karapatan at kasarinlan ng bayan kundi pagiging isang bayani na rin ang paggawa ng kabutihan sa kapwa na huwaran para sa paningin ng kanyang nasasakupan. Gayundin, ang paggamit ng kapangyarihan ng pluma't papel upang ilaban ang kapakanan ng mamamayan ay likas na katangian ng isang pagkabayani.


Kaya sa usapin ng pagiging bayani dapat lamang nating bigyang karalangan, papuri, paggalang at pagsaludo ang lahat nang nag-alay ng kanilang buhay, nagbahagi ng kanilang kaalaman, may mabuting nagawa at may mabuting kalooban at higit sa lahat ay yaong may malaking ambag para sa kabutihan ng karamihan.


Pag-alala! Paggunita!


Ngayong panghuling Lunes ng Buwan ng Agosto ay ipinagdidiriwang ang Pambansang Araw ng mga Bayani. Sa pamamagitan nito ay binibigyang karangalan ang pagsisikap ng ating mga bayani na silang naging dahilan sa pagpapaunlad ng ating pagpapahalaga sa nasyonalidad at diwa ng kabayanihan.


Sa usapin ng pagkabayani, alam at batid naman nating lahat na maraming mga Pilipino ang hindi lamang nagsumikap kundi nag-alay din ng kanilang buhay upang itaas ang bandera ng Pilipinas at iahon ito mula sa laylayan, pananakop at kaguluhan.


Paghulma ng Makabagong Henerasyon


Paulit-ulit man itong kaganapan ngunit ang pagbuhay muli sa kasaysayan ay isang inspirasyon upang gisingin ang natutulog na diwa ng mga kabataan patungkol sa katotohanan ng ating kasaysayan at ng kapaligiran. Kaya ang ating mga bayani ay may malaking papel na ginagampanan sa paghulma sa bawat kakayahan ng estudyante tungo sa makatarungang asal at higit sa lahat ang pagpapatatag sa akademikong akda na siyang magiging sandigan sa pagpapalawak ng kaalaman ng lahat.


Kagaya na lamang ni Dr. Jose P. Rizal na nakaukit sa kanyang mga akda ang kanyang kadakilaan at kabayanihan. Ang kanyang mga isinulat na tula ay ang nagpabuhay at nagbigay kulay sa kamalayan ng mga kabataan at sa kagaya ko rin na isang Iskolar ng Bayan. Kanyang iminulat ang kaisipan ng lahat sa isang reyalidad na mahalaga ang kabataan sa pagpapaunlad nitong ating sosyodad. Pinaglumaan naman ang mga katagang ang kabataan ang pag-asa ng bayan ngunit may malaki itong responsibilidad na pagtibayin ang pundasyon sa patuloy na pakikibaka para sa kalayaan. Ang mga alaalang ibinilin ni Rizal at ng ating mga natatanging bayani ay tunay na para sa lahat ng mga Pilipinong may pagmamahal sa ating tinubuang lupa.


Kaya laging bigyang halaga ang ating tinataglay na dugong makabayan. Buksan palagi ang kaisipan sa mga pagbabagong dala nitong ating panahon dahil tayo ay sumisimbolo sa makabagong Pilipino. Tayo ay magkaisa at hinding-hindi na muling pasisiil dahil ayon nga kay Andres Bonifacio, hindi tayo nagpalitan ng mga kuwento upang sa pinakahuling tuldok ng pangungusap ang karugtong ay alingawngaw ng katahimikan.

55 views0 comments

Recent Posts

See All

Opmerkingen


bottom of page