top of page

Naghihingalong MARCOnomiya

Maglilimampu’t dalawang taon na nang sumiklab ang makulimlim na kasaysayan na naging bangungot para sa mga biktima ng Martial Law sa ilalim ng pamamahala ni Ferdinand Marcos Sr. Sa kabila ng mga pagsusulputan ng animo’y mga alagad at itinuturing na tauhan na pilit nilalapatan ng maskara upang itago ang tunay na kaanyuan ng tunay na pagkatalo ng bayan, hindi pa rin nito kayang pabulaanan ang tunay na kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan. Matapos nga ang ilang dekada ay naluklok muli ang isang Marcos sa pagkapangulo. Gayunpaman ay simula taong 2022 at magpahanggang ngayon ay tila sakmal pa rin ng tanikala ang ekonomiya ng Pilipinas na nagpupumilit na umalagwa sa kabila ng kapilayan nito na maging matatag upang maiangat ang bansa sa inaasam-asam na pag-unlad. Hindi maikakaila na napapasinghap na ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa na siyang sumasalamin sa naturang kinalalagyan ng mga Pilipinong patuloy pa rin na nalulugmok sa kumunoy ng kahirapan. 


Batay sa sarbey ng Tugon ng Masa na isinagawa mula Marso 11 hanggang 14, taong kasalukuyan, ang self-rated poverty ng bansa ay nasa 42% , na mas mababa kumpara sa 45% na naitala sa kahalintulad na sarbey na ginanap noong fourth quarter ng taong 2023. Nangangahulugan ito na humigit-kumulang 11.1 milyong pamilya ang nadama na bumuti ang kanilang sitwasyon noong Marso ngayong taon, kumpara sa humigit-kumulang 11.9 milyong pamilya noong Disyembre 2023. Ngunit, sa kabilang dako, malaki pa rin ang bilang na ito sapagkat lantad pa rin ang kakulangan sa pag-usad ng pamumuhay ng iilan.


cartoon by Leonidas


Nakadidismayang isipin na sa kabila ng mga pagbabagong ginagawa ng mga pulitiko tuwing kampanya at nang mailuklok sa inaasam na puwesto ay nananatili lamang na nakalagak doon. Anong ginagawa ng kanilang mga malalaking plano na kung saan ay para sa Pilipinas ngunit nananatili lamang na umiikot sa kanilang mga palad? Hindi na kataka-taka ang naglilipanang sigalot sa gobyerno dahil sa pagsulputan ng mga kurap na nagtatago sa kani-kanilang mga kinatitirikan at tila naglalaro ng tagu-taguan kung saan ay naghihintay na lamang na mahuli ng oposisyon nito.


Matagal nang dagok sa pag-unlad ang mga pulitikong magpahanggang ngayon ay patuloy pa ring kumakapal sa pagiging epal. Sa isang panayam kay Althea Faye Abutazil, isang mag-aaral mula sa Pamantasang Mindanao ng Heneral Santos, aniya, “Nakapanlulumong isipin na patuloy pa ring nailuluklok sa posisyon ang mga ganitong uri ng politiko at ang mas masaklap pa sa estado ng Pilipinas ay ang mismong Pangulo pa ang nangunguna rito. Sa punto de bista ng isang estudyante't mamamayang Pilipino, ni katiting sa kanyang pangakong kaunlaran ay wala akong naramdaman.”


Dagdag pa rito ay ang sipat lawin ni Mark Ibarita, isa ring mag-aaral mula sa Pamantasang Mindanao ng Heneral Santos, aniya, “Sa tingin ko may malaking pagkukulang ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ganitong usapin ay ang pagiging transparent at pag-uulat. Oo, siguro nga ay nagbibigay man ng aksiyon ngunit hindi ito sapat sapagka't ang ating pangulo ay patuloy na nanahimik hinggil sa ganitong isyu na kinakaharap ng bansa ngayon.”


Noong ika-23 ng Hulyo, taong kasalukuyan ay ang pagsagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kaniyang ikatlong State of the Nation Address simula nang siya ay mailuklok sa puwesto bilang Presidente ng Pilipinas noong taong 2022. Isa sa mga binigyang-pansin nito ay ang suliranin sa implasyon. Kaugnay ng kanyang mga plano para sa agrikultura, nagtala si Marcos ng ilang mga hakbang upang bawasan ang mga presyo ng pagkain at sa huli ay mapaamo ang tila nagwawala na problema sa implasyon. Hindi bababa sa 74% ng mga Pilipino ang nagsabi na ang gobyerno ay isang nabigong pamahalaan sa isang survey ng Pulse Asia noong Hulyo. 


Ikumpara na lamang sa unang SONA niya noong 2022 na kung saan ay problema pa rin ang implasyon sa bansa. Aniya ay bumibilis ito noong bago pa ang Hulyo 2022 dahil sa bahagyang pagtaas sa internasyonal na presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin. Binanggit niya ang mga prodyeksiyon para sa implasiyon, na aniya ay nahila paitaas, ngunit hindi siya naglatag ng mga konkretong plano para mapaamo ang pagtaas ng mga presyo bukod sa kanyang panata na taasan ang awtput ng agrikultura. Habang lumilipas ang panahon ay siya namang hindi pag-ahon ng mga tugon. Hanggang saan nga ba kayang dalhin ng ‘Bagong Pilipinas’ ang mga Pilipinong nauuhaw na sa hustisya at nagugutom na sa de-kalidad na pamumuhay?


Kapansin-pansin din ang pagpatay-sunggab ng iilang mga Pilipinong gustong makapagtrabaho sa ibang bansa sa pag-aakalang mabibigyan nila ang kanilang mga pamilya ng maayos na buhay o sadyang gusto lamang nila makatakas mula sa bulok na sistema. Isa ang matinding kahirapan sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagkukumahog ang iilan na makalabas ng bansa. Ang ipinangalandakan ng gobyerno na pag-unlad ng ekonomiya ay hindi nararamdaman ng nakararaming mga Pilipino. Hindi rin pantay ang distribusyon ng yaman sa bansa. Makikita ito sa ga-langit na agwat ng iilang mayayaman at milyun-milyong hikahos sa buhay. Higit sa lahat, ay ang pagkabigo ng kanilang pag-aasam na makatatanggap ng paglilingkod mula sa gobyerno ngunit mas nadagdagan pa ng mga ito ang dilim ng daang kanilang tinatahak.


Nagbahagi rin ng kani-kanilang mga paninindigan ang mga Iskolar ng Bayan ng Pamantasang Mindanao ng Heneral Santos patungkol sa kasalukuyang pagganap ni Marcos sa kaniyang katungkulan bilang Pangulo ng bansa. Sa isang daang sumagot sa isang simpleng sarbey, 44% ang nagsabing sila ay hindi nasisiyahan kung saan ay nanguna sa pagpipilian, 31% ang walang reaksiyon sa usapin, at sinundan naman ito ng reaksiyon na sila ay sobrang hindi nasisiyahan na mayroong 18%. Samanta, 6% ang nasisiyahan at 1% ang nagsabing siya ay sobrang nasisiyahan. Sa pagbagsak ng mga reaksiyong ito, ay makikita na hindi satistipikado ang karamihan sa kaniyang katungkulan at tila ba naghahanap pa ng mas konkretong gawain para sa ikauunlad ng bansa.


Gayunpaman, kapansin-pansin ang pagpapangalawa sa opsiyon na walang reaksyon taliwas sa katotohanan na ang mga kabataan ang siyang manguna sa pagpuna sa kamaliang umuusbong sa lipunan lalong lalo na sa pakikialam sa pamahalaan. Sa panahon ngayon, boses nila ay kinakailangan lalo na sa papalapit na botohan at halalan. Ayon sa panayam kay Aljoe Cruz, isa sa mga mag-aaral ng Pamantasang Mindanao ng Heneral Santos, aniya, “Sa pagpili ng kandidato sa darating na halalan, mahalagang pag isipan at suriin ang mga katangian na higit sa personal na kasikatan o pansamantalang kapakinabangan.”


Samakatuwid, ang kawalan ng pagkakataong magkaroon ng magandang kinabukasan, kawalan ng katatagan ng ekonomiya ng bansa at kakulangan ng sapat na serbisyong panlipunan ng pamahalaan para sa nakararaming Pilipinong nagdarahop sa kahirapan sa buhay ang nagtutulak sa iba na mawalan ng tiwala sa gobyernong inaakalang tutungo sa kanila sa magandang kapalaran.


Gasgas na nga ang mga katagang ‘Ang pangako ay napapako’ ngunit kahit na anong pagsupil ang isasagawa ay nananatili pa rin itong imahe ng kasalukuyang administrasiyon. Hindi pa kasali roon ang girian sa buhay ng mga pulitiko at ng mga naluklok sa puwesto. Nasaan na nga ba ang sinasabing pagbabago, kung hanggang ngayon ay mayroon pa ring namamatay sa gutom? Maging makatarungan sana ang administrasyon sa pagkontrol ng kaniyang behikulo at mabigyan ng katarungan ang sambayanan—makitang lahat ay may sapat na pagkain na sa kanilang hapag kainan. 


Ilang tipak ng bato na ang dumausdos sa sambayanan mula sa kamay ng mga Marcos at  nag-iwan ng malaking galos sa kasaysayan.  Kailanman ay mahirap nang pigilan ang ganitong pulitika sa bansa, ngunit kung magiging matalino lamang ang mga botante at ‘di padadala sa mga paporma imbes na plataporma, tiyak na masusupalpal ang baluktot na pamamahala. Ika nga, “walang manloloko, kung walang magpapaloko.”

71 views0 comments

Comentários


bottom of page