"Mamamatay akong hindi nakikita ang ningning ng bukang-liwayway sa aking Bayan! Kayong makakakita, salubungin ninyo siya at huwag kalilimutan ang mga nabulid sa dilim ng gabi." -Dr. Jose P. Rizal
Ilang daang taon na ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa puso't isipan ng mga Pilipino ang sakripisyo at paghihirap na ginawa ni Dr. Jose P. Rizal, ang Pambansang Bayani ng bansa, nang ipinagtanggol niya ang bayan laban sa mananakop na Espanyol. Si Dr. Rizal ay nagbigay ng inspirasyon sa maraming Juan sa pamamagitan ng kanyang mga likhang nobela gaya na lamang ng El Filibusterismo.
Pagpupugay!
Ngayong ika-30 ng Disyembre ay ipinagdiriwang ang 'Araw ng Kabayanihan ni Rizal,' at inaalala ang makabuluhang buhay at gawa nito na tanda ng anibersaryo sa pagpatay sa kanya noong taong 1896 sa kaparehong araw sa Bagumbayan, Manila. Kaya simula sa araw na yaon ay nagbago ang pananaw ng Pilipino sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ngunit sa kabilang banda, napagtanto ba ng lahat ang kahalagahan ng araw na ito sa buhay nating mga Pilipino?
Sa usapin ng pagkabayani at kabayanihan, marami pa rin ang nagtatalo kung sino nga ba dapat ang itinuring na Pambansang Bayani ng bayan. Ngunit ang reyalidad ay siyang tunay na saksi sa naging kontribusyon ni Rizal sa ating pagkakakilanlan at kamalayan. Kaya nararapat lamang na siya ay bigyang pugay at higit sa lahat, ay isasabuhay ang kanyang mga pangarap para sa ating mga Pilipino.
Pagsaludo!
Oo. Tama. Dapat lamang na saluduhan ng lahat ang kadakilaan ni Dr. Rizal. Nararapat lamang na pahalagahan ng ating sosyodad ang kanyang ambag hindi lamang sa usapin ng kasaysayan kundi sa kung paano ipinagtanggol ang ating lahi na hindi nakukuha sa pamamagitan ng kulay ng balat ang kahusayan ng isang tao.
Alam at batid naman nating lahat na malaki ang papel na ginampanan ni Rizal sa pamumuno upang mapagtagumpayan ang kalayaan, pantay na karapatan, dignidad at pag-asa na hanggang sa ngayon ay patuloy na tinatamasa ng ating bansa.
Ipagbunyi!
Bilang isang itinuturing ni Rizal na pag-asa ng bayan, patuloy tayong tatalima sa ideolohiyang, "Pilipino tayo at sapat na dahilan iyon para mahalin natin ang Pilipinas." Patuloy tayong magtitipa ng simulain at hangarin tungo sa makabuluhang balintataw.
"Ang hindi marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan ay hindi makakarating sa kanyang paroroonan." Ito ang mga katagang magsisilbing sandigan na patuloy na isasabuhay ng lahat ng higit sa isip, sa salita at lalo na sa gawa.
Kaya sa muling pag-alala sa Araw ng Kabayanihan ni Rizal, tunay ngang mabuhay si Laong Laan!
Comments