top of page

MSUans binatikos ang pagpondo sa ‘Project Kapehan para sa MSUan’ ng SSC

Lourenz Jay Loregas, Ian Paolo Villacencio


Inulan ng batikos ang pagpondo sa ‘Project Kapehan para sa MSUan’ ng Supreme Student Council (SSC) ng Mindanao State University - General Santos (MSU-GenSan) sa ginanap na 1st General Assembly ng taong panuruan 2024-2025 sa university gymnasium, Agosto 20.


Kinuwestiyon ng mga MSUan ang kahalagahan ng nasabing proyekto mula sa Committee on Physical Project and Development na naglalayong magbigay ng libreng kape sa piling sektor ng estudyante sa panahon ng eksaminasyon na nakaestasyon sa mga piling lokasyon sa loob ng kampus.




Ayon pa kay Angela Candole, mag-aaral mula 4th year AB Political Science, na ang nasabing proyekto ay hindi kinakailangan at may ibang proyekto na dapat mas paglaanan pa ng badyet.


“I just don't see why it is necessary that 11,000 [pesos] on a project that's not gonna benefit all of the students. It's best to really allocate 11,000 on other sustainable projects...If they really want to pursue the project, I think that the Ways and Means of the council will source out sponsorships,” diin pa ni Candole.


Ani pa niya, ilaan na lamang ang naturang badyet sa pagpapatayo ng study areas na wala sa ibang college buildings.


"Since maliit lang din yung collection nila [college student councils], considering their population as well. I think the money should go there—ma-achieve mo yung deserved na learning environment nila,” dagdag ni Candole.


Tugon naman ni Hon. Alken Daquio, pangunahing tagapagtaguyod ng proyekto, ang naturang plano ay isang inisyatiba ng SSC na makapagbigay ng isang libreng serbisyo sa mga estudyante. 


“Given that it's the very first time that the SSC has provided a free-for-all service to the students, I think this project is a great opportunity or initiative to give back to our students a good service that they deserve,” sambit ni Hon. Daquio.


Samantala, buwelta naman ni Hon. Leonard Tucjayao, pangulo ng SSC, hindi isang rason na itigil ang isang proyekto dahil lamang hindi lahat ng estudyante ang makikinabang dito. 


“The chair understands that we cannot cater all of the students in the project, but we cannot scrap a project just because we think that not all of the students can benefit from [it]. So if that's the analogy for the members of the assembly, then what's the point of having projects that are specifically beneficial for a certain sector if we're going to scrap out this project?” katwiran ni Hon. Tucjayao.




Resolusyon


Upang maresolba ang usapin kung dapat bang aprubahan ang naturang proyekto, nagkaroon ng pagboto ng kapulungan na may tatlong pagpipilian.


Naging opsyon ay ang pag-apruba sa proyekto ngunit walang pondong manggagaling sa SSC na nakakuha ng 456 na boto; pag-apruba sa proyekto na may badyet na 11,000 pesos mula sa pondo ng SSC na nakalikom ng walong boto, at; ang hindi pagsang-ayon sa pagpapatupad ng proyekto na nakakuha ng 279 na boto.


Matapos ang higit 30 minuto na diskusyon ukol dito, ang mga tagapagtaguyod ng proyekto ay napagkasunduan na sumang-ayon sa sitwasyong itaguyod ang proyekto na walang anumang badyet na manggagaling sa pondo ng SSC.


472 views0 comments

Comments


bottom of page