top of page
Writer's pictureBerjan Pagadatan

MSU-Gensan 1st Chancellor’s 7-aside Football Festival itinampok; 38 na koponan, nakiwili

Updated: Apr 2, 2023


PUMAILANLANG. Sumipa ng tagumpay ang koponan ng RMMC kontra MSU Aggie 2 sa 1st Chancellor's 7-aside Football Festival.

Kuha ni John Ross Sambanan


"Camaraderie and Friendship in all of Mindanao."


Ito ang mga katagang ipinunto ni Mindanao State University (MSU) - Gensan Chancellor Usman Aragasi sa pagsasakatuparan ng kauna-unahang Chancellor's 7-aside Football Festival na inorganisa ni Director of the Office of Student Affairs Jerry Dela Cruz sa University Open Field, kanina.


Sumatotal na 38 na koponan mula sa iba’t ibang panig ng Mindanao ang lumahok sa pampublikong kaganapan, nahati ito sa apat na kategorya: 40-Up Men’s, 30-Up Men’s, Men’s Open, at Ladies’ Open.


Pagkakaibigan ng nasa Trenta


Bitbit ang solidong gameplay ng Tropang Zolid, akay-akay nilang inabot ang trono ng 30-Up Men's Category, at inuwi ang ginto.


Nabigo naman ang RMFC DPU na napatid sa pilak matapos magapi via penalty shoot-out, samantala nakuntento naman sa tanso ang Tupi FC.


Hilaan sa Kalalakihan


Hindi sapat ang tug-of-war game style ng MSU Aggie 2 upang maalpasan ang RMMC, dahilan upang kapusin sila sa penalty shoot-outs, 2-0, pabor sa RMMC, at napatid sa pilak, habang napasakamay naman ng dayo ang ginto sa Men’s Open Category.


Tansong medalya naman ang iuuwi ng Kalamansig FC matapos itong magwagi sa kanilang 2nd Round Match.


Nangyupi ang Tupi


Sapat naman ang galaw at sikap ng Tupi FC nang tiklupin nila ang kanilang mga katunggali sa Ladies’ Open Category at tanghaling kampeon via round robin format.


Nakamit naman ng Charger FC at MSU ang ikalawa at ikatlong pwesto, ayon sa pagkasunod sunod.


Hasa ang ika-Kwarenta


Patunay na kalabaw lamang ang tumatanda, ibinandera ng RMFC ang kagila-gilalas nilang passing abilities matapos matuhog ang korona sa 40-Up Men's Category.


Ikalawang pwesto naman ang sinelyo ng Club X, samantalang ikatlo naman ang iniuwi ng koponan ng Sultan FC.


"Nagalak kami dahil may ganitong kaganapan sa MSU," ayon kay Abdullah Charlie Bolivar, isang manlalaro mula sa RMFC, kampeon ng 40 Up Men's Category.


Ani pa nito na, "Syempre, lahat ng mga manlalaro ay pupunta rito, natuwa rin kami dahil naisagawa ito nang maayos."


Para sa mga Atletang MSUan


Lubos naman ang kagalakan ni Chancellor Aragasi sa dami ng nakilahok sa aktibidad.


"I'm very thankful for the people behind who organized this. This is part of the goal of the University, as a way of bonding through camaraderie and friendship with all the people of Mindanao," saad ni Aragasi.


Samantala, nagpahayag din si Chancellor ng kanyang hangarin na magsagawa ng mas marami pang sports festival sa iba’t ibang larangan ng pampalakasan para sa mga student-athletes.


"As of now, we're trying to have an engagement collaboration with a group who have expertise in particular sports,” mungkahi pa nito.


Dagdag nito na, “We want to come up with a way to level up these students without sacrificing their academics."


275 views0 comments

Comments


bottom of page