top of page
Writer's pictureNiel Zsun John Vega

MSU 7-aside Football Festival dinomina ng ASTEEGs


PUMAILANLANG. Sumipa sa kampeonato ang COE ASTEEGS sa ginanap na MSU Legends 7-aside Football Festival.


Inangkin ng College of Engineering (COE) ASTEEGs ang kampeonato sa parehong Men's Open at 35-up sa kauna-unahang Mindanao State University (MSU) Legends 7-aside Football Festival na ginanap sa MSU Football Field, January 21.


Siyam na grupo ang nagtagisan ng galing sa alabok na patlang ng Men's Open, kung saan apat lamang ang mamamalagi para sa crossover round na binubuo ng dalawang nangungunang grupo sa Bracket A na COE ASTEEGs A at samahang Tycoons-Vanguards, habang College of Agriculture (COA) Reapers B at COE ASTEEGs B naman sa Bracket B.


Sinelyuhan ng mga pinuno ng liga, COE ASTEEGs A at COA Reapers B, ang pasaporte sa kampeonato matapos masikwat ang laban sa parehong 1-0 iskor kontra COE ASTEEGs B at Tycoons-Vanguards. Mainit ang naging sipaan ng ASTEEGs B at Tycoons-Vanguards sa 'Battle-for-third' ng kompetisyon na nagtapos sa parehong itlog dahilan upang mag-udyok ang tunggalian sa penalty shootout at maitakas ng ASTEEGs B ang panalo, 8-7.


Muling nagtapat ang magkaribal na ASTEEGs kontra Reapers sa pagpasok ng championship round kung saan isa lamang ang magtatagumpay. Dinomina ng ASTEEGs A ang sagupaan sa tropeyo nang kumamada ng 4-0 demolisyon, sa pangunguna ng 'hat-trick' ni RJ Carlo Dabuco na sinundan naman ng pagtipa ni Jazer Mark Lizondra ng isa pa, upang maibulsa ng koponan ang panalo.


Samantala, dinispatsa ng mga inhinyero, COE ASTEEGs, ang kampeonato sa Men’s 35-up nang magtala ng walong puntos sa 'point system' na talaan, na pinangalawahan ng Excess at sinundan ng COA Reapers para sa pangatlong puwesto ng kompetisyon.


218 views0 comments

Comments


bottom of page