Sa gitna ng giriang Marcos-Duterte, nagmistulang nabiyak na bato ang buong Pilipinas—tuluyan nang nabasag ang pekeng alyansa ng UniTeam, lalo na sa pagkaaresto ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Pero sa away na ito ng mga higanteng pulitiko sa bansa, ang tulis ng sisi ng kanilang mga taga-suporta ay nakatutok hindi lamang sa isa’t isa; dahil maging ang medyang nagbabantay lamang ay hindi pinalagpas ng Korte Suprema ng Social Media.
Ngunit malinaw ang balita. Nang gabing iyon ng Marso 11, si Duterte ang bitbit ng eroplanong patungo sa Hague, Netherlands. Walang ibang nahaharap sa kasong ‘crimes against humanity’ ngayon sa International Criminal Court o ICC kundi ang pasistang si Duterte—upang pagbayarin siya sa libo-libong napatay ng kaniyang madugong War on Drugs nang siya ay pangulo pa ng bansa, maging ng mga kinitil niya sa pamamagitan ng Davao Death Squad bilang dating alkalde ng Davao.

Maliwanag pa sa sikat ng araw. Ibinalita pa nga sa iba’t ibang news outlets. Kalat pa nga sa social media. Iniyakan pa nga ng mga panatikong Duterte’s Die-hard Supporters o DDS. Galit ang kalsada sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, partikular na sa Mindanao. “Ibalik niyo ang Tatay namin!” hiyaw pa nga nila sa kani-kanilang posts sa Facebook. Nagsipagprotesta na nga sila, bulyaw ay hustisya para sa mamang ang hilig ay sakalin ang mamamayang Pilipino at pagkaitan ng hustisya. Pero bakit maging ang mainstream media ay inuusig din ng bayang lito? Kasalanan na ba ang ihayag ang kung anong totoo ngayon? Nakakagalit ba ang balitang sa wakas ay mapapanagot na si Duterte?
Nang sumahimpapawid si Duterte patungo sa paghataw ng hustisya sa kanya, hindi lang siya ang kinahantungan ang prosekusyon—dahil maging ang mga pangunahing pinagkukunan ng balita ng mga Pilipino ay isinabak din ng mga netizens sa paghuhukom: GMA, Rappler, ABS-CBN, PTV, TV5, Philippine Inquirer, at Philippine Star. Kampanya nila’y #NoToFakeNews, retorika nila’y kung itong mga news organization pa rin ang pinaghahain mo ng balita sa iyong mesa, ikaw ay minamanipula, niloloko, at ginagawang mangmang—at ginugusto mo ito.
Kung hindi mga kilalang news organization ang pagkakatiwalaan, sino naman? Mga vloggers? Ang pagka-aresto ni Duterte ay pambansang usapin na patuloy na pinapakulo ng mga damdaming magkakaiba, halo-halo—may galit, may natutuwa, may walang pakialam. Sa ngayon, malabong maapula ang sunog na nagliyab sa pagbagsak ng isang tiranikong kagaya ni Duterte. Ito mismo ang dahilan kung kaya’t nakakatawang isipin na magagawang kayanin ng mga bayaring vlogger na ito ang ginagampanang tungkulin ng mga mamamahayag.
Mahirap lunukin—pero anong magagawa natin? Iyon naman ang totoo. Ang mga vlogger na ito, hindi serbisyong pampubliko ang pinaghuhugutan ng kanilang pawis—kung pinagpapawisan man sila sa kanilang mga air-conditioned na kwarto—kundi pera na kikitain nila sa pagtataguyod ng mapagwatak na propaganda para lamang maitusok sa isipan ng mga kawawang nauuto nila ang mga naratibong binabalikwas ang totoo sa kasinungalingan. Nangyari na ito at patuloy pa rin itong nangyayari. Noong 2022 national elections, kasaysayan ng masalimuot na nakaraan ng Martial Law sa ilalim ng rehimen ni Satanas sa anyo ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Ngayon naman, ang karumal-dumal na mga krimeng dinanas ng mga Pilipinong walang laban sa malawakang extra-judicial killings kung saan natamo ang pagkamatay ng mahigit 30,000—kawawang Pilipinas, pati ito’y hindi pinalagpas ng mga malisyosong content sa social media. Kung hindi mahirap paniwalaan, tinuturing na natural na kasamang pinsala ng War on Drugs, pawang kolateral, mga numero lamang. Lantarang pagbabalewala sa karapatang pantao ng kapwa Pilipino, para kanino? Para sa mga politikong mapang-api at mga korap.
Ang karapatan sa malayang pagpahayag ng saloobin o content ay hindi nangangahulugang kalayaan upang magpakalat ng kasinungalingan. Dito naiiba ang medya. Dahil sa isang news organization, hindi basta-bastang nailalabas ang balita nang walang masinsinang pagsisiyasat sa kasiguraduhan nito. Hindi isinasantabi ang integridad ng balita. Sa huli’t huli, serbisyo para sa publiko ang nangingibabaw—bagay na bihirang makita sa mga vloggers na hindi maikakaila ang mabahong-sikmurang nilalaman ng kanilang mga content; bagay na tila malabong maipamalas ng mga vlogger na ang layunin ay makakuha ng views, comments, at maging sensasyon. Mga vlogger na ginagawang puhunan ang pagpapahirap sa mga Pilipino—ng masang galit at pagod nang paulit-ulit na binibigo, tinatalikuran, at inaapi ng mga pasistang nailuklok sa halalan dahil sa kampanyang itinulak ng kasinungalingan at paninira.
Sa kabila ng huwad na kampanyang #NoToFakeNews ay hindi maaaring bumigay ang medya. Hindi rin pwedeng sukuan ng mga tao ang medya—hindi nila pwedeng hayaang malagutan ng boses ang medya na nagbibigay tinig sa mga sinusupil na daing ng ating Inang Bayan. Hindi nila pwedeng pabayaan na takpan ang mga mata ng medyang nagsisilbing mata ng bayang nagbubulag-bulagan. Hindi pwedeng tahimik ang medya, hindi pwedeng walang makita; dahil ang tanging mamamahayag na tahimik ay ang mamamahayag na pinatahimik—binusalan ang bibig, tinakpan ang mga mata, kinadena ng mga pasista. Ang mamamahayag na pinatahimik ay ang mamamahayag na pinatay, ibinilanggo, at kinasuhan ng mga pekeng kaso.
Kung kaya’t hangga’t hindi pa naaabot ng mga mapanlupig na kamay ng mga duwag na opisyal o politiko, hindi kailanman maaaring tumigil ang medya. Hindi pwedeng magkaroon ng hangganan ang pagsisilbi nila bilang bangungunot ng mga pasista, diktadur, at mga tuta ng imperyalismo.
Kasalanan ang tumigil. Pagtalikod sa bayan ang pumikit at manahimik.
Dapat walang preno dahil kung tumigil ang medya, sino ang dadalo sa bayang nangangailan ng boses at mata? Sino ang magbabalita sa mga tiyak na kaganapan tuwing sakuna kagaya ng sunog, lindol, o bagyo? Hindi ang mga malisyosong vlogger na binayaran ng kung sinong makapangyarihan, kundi ang mga mamamahayag na ngayon ay pilit na sinisira ng mga pwersa ng walang kwentang propaganda—na mahirap man tanggapin ay kinahuhumalingang tangkilikin ng marami.
Hindi na bago ang mga atakeng ito sa medya, lalo na sa mga kritikal na boses ng dyornalismo. Kung ikukumpara, may mas ilalala pa ito. Mapa-propesyonal man na mamamahayag o student journalist man, marami ang nanganganib sa red-tagging, red-taping—marami na ang nanganib, marami na rin ang nasawi dahil lamang nabangga ang mga makapangyarihan.
Panahon man ng dating pangulong Duterte o ng kasalukuyang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr., mga mukha lang nila ang nag-iba. Pareho pa rin silang ahas sa ating bayan sa magkaibang balat. Pareho pa rin namang mga pasista, mga tuta ng imperyalismo. Magkaiba mang pangalan ang nakadikit sa kani-kanilang administrayon, pareho pa ring nagpapahirap sa mga Pilipino.
Duterte man o Marcos, kahit anong tapang-tapangan nila, pareho pa rin silang takot sa kritikal na medyang hindi matitinag ng anumang panunupil.
Kahit gaano pa kalakas ang sigaw na binubulyaw sa kalsada, hindi kailanman maaaring magpalunod ang boses ng mga mamamahayag na nagbabantay sa katotohanan at kumakalap ng mga impormasyon upang manatiling may alam ang sambayanang Pilipino.
May tainga ang lupa, may pakpak ang balita—sa huli, katotohanan ang magwawagi at ang mapagbalat-kayong mga vlogger na nagtatago sa likod ng kanilang huwad at hilaw na tapang ay mananatili sa kung saan man sila: sa kanilang kwartong air-conditioned, hawak sa leeg ng kanilang mga amo.
Comments