top of page
Writer's pictureJasmine Joy Panes

ManggagaJUANg walang magawa


Malaki at mahalaga ang gampanin ng mga manggagawa sa ating komunidad partikular na sa ekonomiya at industriya. Sila ang gumagawa ng mga produktong ginagamit natin sa pangaraw-araw at nagbibigay ng mga serbisyong ating kailangan. Sa katunayan, atin pang binibigyang-pagkilala ang kanilang kontribusyon taon-taon, hindi lamang sa dito sa Pilipinas kung hindi pati na sa buong mundo. Subalit, tila isang kabalintunaan na ginugunita pa ang araw na ito dahil patuloy padin ang pang-aapi at pang-aabuso sa mga mangagawang Pilipino.


Kung ating babalikan ang kasaysayan, mahigit isang daang libong empleyado ng Union Obrera Democratica de Filipina (UODF), ang pinakaunang organisasyon ng mga manggagawa sa Pilipinas, ang nagmartsa mula sa Plaza Mariones ng Tondo hanggang Malacanang noong Mayo 1, 1903 upang magprotesta laban sa hindi-pantay na pasahod at hindi-makatarungang trato sa ilalim ng dating pamamahala ng mga Amerikano. Ngunit sa kabila ng kanilang layunin, inaresto ang mga pinuno ng organisasyong ito na sina Isabelo Delos Reyes at Dominador Gomez sa batayan ng rebelyon, sedisyon, at pagsasabwatan upang maitaas ang halaga ng paggawa. Subalit, nagbunga naman ang kanilang pakikibaka dahil noong Abril 8, 1908, limang taon ang nakakaraan, ay naipasa ng kongreso ang isang panukalang batas na kumikilila sa unang araw ng Mayo bilang Araw ng Manggagawa at idiniklara itong araw ng pamamahinga. Iginunita naman ang pinakaunang selebrasyon nito noong Mayo 1, 1913.


Tuwing ika-1 ng Mayo ay naglulunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng labor job fair kung saan mayroong mahigit 74,000 na trabaho kagaya ng manufacturing, manpower services, at sales and marketing ang maaaring applay-an. Noong May 1, 2018 naman ay nilagdaan ng Dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 51 na siyang tatapos sa ilegal na kontraktwalisasyon sa ating bansa. Dagdag pa, kumakailan lang ay minungkahi ni Gabriela Representative Arlene Brosas ang House Bill No. 7758 o Menstrual Leave Act kung saan bibigyan ang mga babaeng empleyado ng pribado at publikong sektor ng dalawang araw na bayad na menstrual leave. Panghuli, iminungkahi rin ng Makabayan bloc ang House Bill No. 7568 na siyang naglalayong gawing P750 ang minimum wage.


Kahit mayroong mga job fair ang DOLE taon-taon, ayon sa January 2023 na datos ay 4.8% parin ang unemployment rate ng ating bansa. Ilan sa mga sanhi nito ay skill mismatch, kakulangan sa kalidad ng mga nagsipagtapos, makalumang school curriculum, diskriminasyon at hindi-makatarungang job requirements, at kahirapan na siyang humahadlang sa pagkakataon upang makapag-aral at maiahon ang sarili.


Isang pangako na naman ang napako ni Dating Pangulong Duterte dahil hindi niya parin nawakasan ang kontraktwalisasyon o kilala sa tawag na “endo” (end-of-contact), taliwas sa kanyang sinabi noong panahon ng kampanya. Ang endo ay ginagamit ng kumpanya upang makaiwas sa pagsagot ng benepisyo ng empleyado kapag ito ay naging regular na sa loob ng 6 na buwan, kung kaya’t ito ay hindi permanente sapagkat sa kontrata ay mayroon lamang 5 na buwan upang magtrabaho. Ipinangako rin ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pagpapasa ng Security of Tenure bill at kasama pa ito sa People’s Agenda for Change na kaniyang binanggit noong unang State of the Nation Address (SONA). Subalit, isinulat lamang sa tubig ng mga ito ang kanilang mga salita dahil hanggang ngayon ay wala paring kongkretong aksyon sa problemang ito.


Kontra naman ang The Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa House Bill No. 7758 o Menstrual Leave Act dahil ito raw ay kontraproduktibo sa mga kompanya at empleyadong babae. Ayon ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr. ay magdudulot raw ito ng negatibong epekto sa pagtanggap ng mga babaeng aplikante sa hinaharap. Subalit, ayon sa pagaaral ay nasa 80 porsyento mula sa dalawang libong mga kababaihan ang nahihirapang magtrabaho kapag nireregla dahil ito ay nagdudulot ng panghihina, pagsusuka at sakit sa likod, ulo, at puson. Malinaw pa sa tubig na kristal na hanggang ngayon ay may diskriminasyon padin sa mga kababaihan ang mga kalalakihan dahil hindi naman nila ito nararanasan buwan-buwan.


Pilit na pinagkakasya ng mga Pilipino ang kakarampot na kita mula P341 hanggang P570 sapagkat patuloy ang pagmahal ng mga bilihin ngunit mababa pa rin ang pasahod hindi lamang sa mga non-professional workers kung hindi ay pati na rin sa mga propesyunal na mangagawa. Dahil dito ay napipilitang mangibang-bansa ang mga Pilipino at mas pinipili pa ng iba na magtrabaho ng hindi ayon sa kanilang tinapos na kurso.


Sa araw na ito ay ating bigyan ng pagpapahalaga ang mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng maliliit na paraan – pagsuporta sa mga lokal na produkto, pagbayad nang tama sa mga serbisyo, at pamamahagi ng mga ito sa kakilala, kaibigan, at maging sa social media. Nakakapagod umasa sa gobyernong ating inihalal dahil kakaunti lamang sa kanila ang may malinis na intensyon sa bansa. Karamihan sa atin ay isang kahig, isang tuka; ito ay isang hubo’t hubad na reyalidad ng bawat Juan.


Kawawang manggagawa, walang magawa.

47 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page