top of page

Katuturan ng kulturang Pilipino, lenggwahe binigyang halaga sa Buwan ng Wika 2023

Binalot ng makukulay at yamang representasyon ng mga pangkat etniko ang MSU-Gensan nang ibida ng MSUans ang kahalagahan ng kulturang Pilipino kaakibat ang wika sa Parada ng Lahi bilang isa sa mga paligsahan sa huling araw ng selebrasyon ng 2023 Buwan ng Wika, Agosto 31.

Pinangunahan ang taunang selebrasyon ng mga estudyante at guro mula sa Departamento ng Filipino kabilang na ang mga organisasyong Samahan ng mga Mag-aaral sa AB Filipino (SABFIL) at Samahan ng Filipino sa Edukasyon (SAFE) na kung saan sentro ngayon ang pagdiriwang sa temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Inklusibong Pagpapatupad ng Katurungang Panlipunan”.


Inihayag naman ng pangulo ng SABFIL na si Mary Jane Evangelio ang sayang naramdaman nang marami ang sumali sa mga iba’t ibang kompetisyon na inihain lalo na ang Tertulya na dahilan upang mapuno ang himnasyo.

Dagdag niya na naghahanda na sila para sa Buwan ng Wika noong Hulyo pa dahil ang huling pisikal na pagdiriwang ng selebrasyon ay apat na taon na ang nakalipas kaya maraming balakid ang kanilang pinagdaanan upang mairaos ang naturang kaganapan.

Representasyon ng bawat Pangkat


Bilang akma sa tema ngayong taon, napag-isipan ng SAFE na magiging basehan sa pagpangalan ng bawat pangkat ang mga pangkat-etniko.


Hinati sa anim na grupo ang lahat ng estudyante na may Filipino na asignatura base sa kung saang propesor napabilang.


Napiling mga pangkat-etniko na mabibigyang pagkakataon na ibida ang kultura sa MSU ay ang Maranao, Yakan, Bagobo, Tausug, Mandaya, at Subanen.

Paligsahang Pampilipino

Sa buong buwan ng Agosto, iba’t ibang patimpalak ang idinaos upang mabigyan ng halaga ang pagkakakilanlan ng wika at kultura.


Isa sa mga inaabangang kompetisyon ay ang Lakan at Lakambini na kung saan anim na magkapares ang sumabak sa pagandahan ng suot at rampa sa katutubo at pormal na kasuotan at talas ng memorya sa pagsagot ng katanungan.


Itinanghal namang Lakan si G. Vince Vesiete mula pangkat Subanen na kung saan ang guro niya sa FIL101A ang nagpasa ng korona sapagkat ang naturang propesor ang nanalo ng titulong Lakan noong 2019 habang si Bb. Lovely Mae Aso ang hinirang na Lakambini mula sa Pangkat Tausug.


Bukod diyan, nagpasigla rin sa selebrasyon ang mga paligsahang Laro ng Lahi na kung saan Pangkat Maranao ang nanalo, kampeon naman sa Tagisan ng Talino ang Pangkat Mandaya, Pangkat Tausug naman ang nagwagi sa FB frame at Digital Poster Slogan habang Pangkat Yakan ang naghari sa Balagtasan at Pangkat Bagobo ang panalo sa Pagsulat ng Awit.


Idineklara namang kampeon ang Pangkat Mandaya sa Parada ng Lahi at Kanduli na siyang pagsagawa ng booth.


Sa huli, itinanghal na kabuuang kampeon ang Pangkat Tausug dahil sa ipinamalas na galing sa lahat ng patimpalak.


“I hope na ang ginawa ng lahat ng lumahok sa Buwan ng Wika ay hindi lang para sa grado kundi ang pagpapahalaga at pagtataguyod ng wika,” giit pa ni Evangelio.


Mariing idiniin naman ni Janice Cordoma, 4th year mag-aaral sa kursong Bachelor of Arts in Filipino na hindi natatapos sa paggunita ng Buwan ng Wika upang ipayabong ang wika kaya mas lalong kilalanin pa ito dahil yaman ito ng mga ninuno na hindi dapat isawalang bahala.



Comentários


bottom of page