top of page

Kasalukuyang Kagitingan

Ni: Aubrey Maye Arrieta at Jasmine Joy Panes

Guhit ni Louise Gabrielle Abing


Simbolo ng kagitingan ang pakikibaka tungo sa kalayaan at kapayapaan. Subalit, ang depinisyon ng pagiging magiting ay hindi lamang limitado sa kalakasan ng loob upang harapin ang kalaban, bagkus ito rin ay ang pagkilala sa kahinaan at pagsuko para sa kapakanan ng nakararami. Ito ang ipinamalas ng 76,000 na sundalong Pilipino at Amerikano kontra sa mga Hapones walumpu’t isang taon na ang nakalipas sa Bataan noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Sa kabila ng mahigpit na utos ng nakatataas, pinili ng Amerikanong Heneral na si Edward King na sumuko sa kamay ng mga malalakas na puwersa ng Hapones upang mapigilan ang pagkalagas ng mga sundalo at tanggapin ang katotohanang wala silang laban sa kahit anong aspeto. Ngunit, kapalit ng kanilang pagsuko ay ang makasaysayang Bataan Death March– ang paglalakad ng mga sundalo nang 106 kilometro mula Mariveles, Bataan hanggang Capas, Tarlac. Sa kanilang paglalakad ay marami ang namatay sa uhaw, gutom, sakit, at maging sa pananakit ng mga Hapones.

Malagim man ang nakaraan na nakaukit sa araw na ito, patuloy pa din natin itong ginugunita upang magbigay karangalan sa ating mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaang ating tinatamasa sa kasalukuyan. Sa katunayan, idineklara na National Holiday ang ika-9 ng Abril bilang Araw ng Bataan sa pamamagitan ng Republic Act No. 3022. Nakasaad din sa batas na bigyan ito ng pag-alala ng mga Pilipino at mag-alay ng isang minutong katahimikan sa ganap na 4:30 ng hapon para sa mga sundalo ng Bataan at sa kanilang mga magulang, kabiyak, at byudo/byuda.


Sa ating pagdalumat sa pagdiwang ng Araw ng Kagitingan ngayong henerasyon ay siya ring pagbigay-pugay hindi lamang sa mga beteranong sundalo noon bagkus sa mga bagong bayani ng ating kasalukuyang panahon. Itinuturo rin sa atin ng araw na ito na sa anumang hamon ng buhay na siyang sumusubok na umangkin sa ating pag-aari ay nararapat lamang nating harapin nang buong tapang kagaya na lamang ng ating mga bayani. Bilang MSUans, tayo ay hinubog ng institusyon upang maging matibay kontra sa mga unos na rumaragasa sa ating akademikong paglalayag. Subalit, pinapaalala naman sa atin ni Hen. King na hindi kabawasan ng katapangan ang pagkilala sa kahinaan upang maiwasan ang mas malala pang pinsala. Ang pagpapahinga upang maisalba ang mental, pisikal, at emosyonal na kalusugan ay isang hakbang na siyang nagbibigay ng momentum upang maibalik sa pokus ang sarili.

Samantala, matagal na panahon man ang nakalilipas nang matuldukan ang pangalawang pandaigdigang digmaan ngunit may panibagong digmaan naman na nilalabanan ang buong mundo at ang ating inang bayan. Marahil ay magandang balita sa nakararami ang paglipat ng Holiday mula Abril 9 sa Abril 10 kaya naman walang pasok sa paaralan at mga trabaho ay mahalagang matanto rin na huwag natin kalilimutan ang tunay na petsa kung kailan ang Araw ng Kagitingan—bagay na posibleng magbunsod ng pangbabaluktot ng kasaysayan. Hindi ito ang unang pagkakataon ngayon na taon na inilipat ang holiday—ang holiday ng anibersaryo ng EDSA Revolution na Pebrero 25 ay inilipat sa Pebrero 24.


Bilang mga Pilipino, nawa ay pagkuhanan natin ng leksiyon ang makasaysayang araw na ito upang maging handa at maging maalam sa mga isyu na kinakaharap ng bansa ngayon– ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, walang-katapusang pandemya, at kung tama ba ang ating naging desisyon noong nakaraan na halalan sa pagluklok sa mga politiko na nasa posisyon ngayon. Ating tandaan na hindi natin kailangan ng monumento upang maipamalas ang kagitingan nating mga Pilipino. Panahon na upang pagnilayan ang dunong na hindi lamang nasusukat ang kagitingan ng isang tao sa pisikal na paraan sapagkat ang hindi paggiging pipi at bulag sa paglabag sa mga karapatang pantao at katiwalian ay simbolo na ng kagitingan sa kasalukuyan.
79 views0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


bottom of page