top of page
Writer's pictureJasmine Joy Panes

Kapag pumuti na ang uwak


Waldas ang dila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagmamalaki ng kaniyang mga nagawa sa unang taong pamumuno noong Hulyo 24, 2023 sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA). Subalit, ang reyalidad ay hindi ramdam ng bawat maralitang Juan, bagkus ay mas nalulugmok lamang ang mga ito sa mga araw na lumilipas habang patuloy pa ring umaasa sa kaniyang mga ipinangako noong kampanya.


Ibinida ni BBM ang mga proyekto at plano para sa ekonomiya, agrikulutura, edukasyon, kapayapaan at kaayusan, at ugnayang panlabas. Karagdag dito ay ang kaniyang mga programang ‘Build Better More’ na may sangdaan at dalawampu’t tatlong proyektong sakop ang sektor ng agrikultura, water resources, kalusugan, digital connectivity, enerhiya, at physical connectivity gaya ng tulay, paliparan, at mga kalsada. Pinagmalaki rin nito ang 6% overall growth rate ng ekonomiya ayon sa World Bank at ang pagbaba ng inflation rate mula 8.7% noong Enero na siyang naging 5.4% ngayong Hulyo.


Sa kabila ng mga numerong ito ay hindi maiwasang ipahayag ng mga Pilipino ang kanilang pagkadismaya sa social media dahil hindi naman ito ramdam sa totoong buhay. Pinabulaanan ng mga ito ang kaniyang linyang, “Sa mga nakalipas na buwan, nakita natin ang pagbaba ng presyo ng bilihin sa iba’t ibang mga sektor… Malaking tulong ang KADIWA stores na ating muling binuhay at inilunsad,” sapagkat apektado pa rin ang mga ito sa inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ang programang KADIWA naman na siyang direktang pamilihan mula sa mga magsasaka patungo sa mga konsumer ay hindi pa implementado sa buong Pilipinas. Kontrobersyal din kung gaano kabilis naipasa ang Maharlika Investment Fund Act noong Hulyo 18, 2023, walong buwan mula noong ito’y unang naihain sa senado. Sa isang pagsusuri mula Social Weather Stations noong Marso, halos 47% ng mga Pilipino ay walang alam ukol dito at kailanman ay hindi nilinaw ng pangulo kung ano ang adhikain at layunin nito.


Nagmistula namang payaso sa isang sirko si BBM nang sabihin niyang “We cannot tolerate corruption or incompetence in government,” ngunit siya mismo ay sangkot sa Pork Barrel Scam noong 2016, may akusyasyon sa graft, at nahatulan ng tax evasion. Bukod pa riyan, nakatatawang isiping sa kanyang pamumuno ay umusbong ang isyu ng 3-milyong halaga ng bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ang 49-milyong campaign video ng Department of Tourism (DOT) na gumamit pa ng stock footages para sa kampanyang ‘Love the Philippines’. Dagdag pa, hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang kaniyang pagiging credit-grabber nang kaniyang isinali sa kaniyang talumpati ang karangalan ng mga pribadong unibersidad sa bansa at mga programa ng DOST kagaya ng scholarships, Balik-Scientist Program, at maging ang mga satellites, kung saan ang mga ito ay nasimulan na noong mga nagdaang administrasyon pa.


Sa unang saglit, kay sarap pakinggan ng mga proyektong ihinain ni BBM sa kaniyang ikalawang SONA. Subalit, nakaligtaan niyang ibahagi ang mga paraan kung papaano niya ito isasagawa.

Nabanggit niyang magiging sentro ng digitalisasyon ang National ID kahit karamihan ng mga ito ay hindi pa dumating pagkatapos ng ilang taon at kung mayroon man ay naka-imprinta lamang sa papel na hindi pa de-kolor. Pinagbantaan niya ang mga smugglers at hoarders ng mga produktong agrikultural at tinawag pa itong mandaraya ngunit hindi niya naman sinabi kung paano niya ito matutuldukan. Ipinamalas niya ang bagong mukha ng kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng ‘Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan’ o BIDA Program ngunit hindi niya hinimay kung paano ito maiimplementa.


Samakatuwid, puro na naman pangako ang lumabas sa bibig ng pangulo. Sa halip na makaramdam ng pag-asa ang mga mamamayan pagkatapos ng kaniyang SONA ay mas lalo pang umingay ang taumbayan sa kaniyang taliwas na mga pahayag.

Nakakapagtaka kung bakit salungat ang iprinisentang mga datos kumpara sa tunay na kalagayan ng bawat Juan. Dahil inihalal naman ng mayorya si BBM, nararapat lamang na tuparin niya ang kaniyang mga ipinangako at maramdaman siya ng mga taong bayan sapagkat hindi sapat ang mga salita kung wala namang konkretong aksyon. Sa mga susunod na taon ay atin namang aabangan kung may progreso ba o tuluyan lamang na isinulat sa tubig ni BBM and kaniyang mga salita. Ating balikan ang kaniyang pangakong “Sama-sama tayong babangon muli” na mukhang nakatuon lamang para sa kanyang pamilya, sa mga kaalyado, at iilan.


Ang SONA ay hindi lugar ng mga payaso upang mangakong muli gaya ng isang kampanya, ito ay panahon upang ipresenta ang mga nagawa na at mga hakbang na gagawin pa na may konkretong pundasyon. Hindi masamang magsabi ng totoong kalagayan ng bansa, ang mali ay ang pagtakpan ang katotohanan at paniwalain ang mga ordinaryong mamamayan na natutugunan ang kanilang mga problema. Taliwas sa kanyang pangwakas na pahayag, hindi pa ‘dumarating ang Bagong Pilipinas.’ Siguro kapag pumuti na ang uwak.

144 views0 comments

Recent Posts

See All

Kommentarer


bottom of page