Pumarada ang komunidad ng LGBTQ+ sa MSU-Gensan kasabay ng paggunita ng Pride Month ngayong Hunyo. Kuha ni Krishtine Rivera.
Kasabay ng paggunita ng Mindanao State University-General Santos City (MSU-GSC) sa taunang Pride Month noong Hunyo 9, nanawagan ang mga miyembro ng LGBTQIA+ Community kabilang ang isang mag-aaral na transgender na dapat aprubahan na ng Senado ang Basis of Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) Bill sapagkat matagal ng nakatengga ang naturang panukala.
Ayon kay Mx. Ramzel Delloro na kailangan nang ipasa ang panukala dahil hindi nila gusto na harangin pa ng mga relihiyosong panatiko sa gobyerno ang kanilang karapatan bilang miyembro ng LGBTQIA+.
"For the National Government, it's long overdue for the SOGIE bill to be delayed. I think, it needs to be passed right here, right now, and as soon as possible,” giit pa ni Delloro.
Samantala, ibinida naman ng LGBTQIA+ MSUans ang kanilang tunay na kulay kalakip ang magarbong kasuotan at samo't saring placards na humihiyaw sa kanilang tunay na nararamdaman sa pamamagitan ng isang Pride March. Kung kaya’y lubusang kasiyahan ang naramdaman ni Mx. Delloro dahil buhay ang demokrasya hanggat may mga taong patuloy na tumitindig at kumakanta para manawagan ng pagkakaisa at hustisya.
“It's very surreal and I felt very happy being one with my fellow LGBT community individuals marching for rights, bringing our banner, waving the pride flag. And I think, it is a very good optics — a very good picture that we see, that the LGBTQIA+ community in MSU is united against injustices,” pahayag ng mag-aaral.
Matatandaan na noong taong 1969 sa bansang Amerika ay unang naganap ang kilos-protesta na inorganisa ng mga miyembro ng LGBT community upang ipaglaban ang kanilang karapatan at pagkakapantay-pantay sa bawat isa. Ang Pride March ay isang paraan upang balikan at kilalanin ang ipinamalas na katapangan ng mga miyembro LGBT community sa naganap na Stonewall riots ilang dekada na ang nakalipas.
Comments