Bayang Pilipinas, isang siglo at dalawampu't limang taon ka ng malaya mula sa dalang hagupit ng mananakop ng kahapon. Matagal na pala at malayo na ang iyong narating sa patuloy mong pagsulong ng pagkakakinlanlan at kalayaan ng iyong lahi. Sa katunayan, hanggang ngayon bakas pa rin sa aming puso't isipan ang sakripisyong inalay ng iyong mga bayani upang makamit lamang ang natatanging kasarinlan. Kaya bahagi na sa aming bokabularyo ang patuloy na pagbibigay ng makabuluhang kahulugan sa salitang saludo at pugay. Ito ay buong puso naming iniaalay para sa iyo mahal naming Inang Bayan at para sa iyong mga bayani. Kaya salamat sa tagumpay!
Ikaw nga ay tulad ng isang ibong malaya na sa kabila ng mga pambabagsak at mga paninira, matayog at patuloy pa rin ang iyong paglipad upang maabot ang tuktok ng pagkakaisa at pagsasamahan bilang isang matatag na bayan. Patuloy mong iwinawagayway ang bandera ng kalakasan. Higit sa lahat, taas noo mong isinusulong ang identidad ng bawat Juan.
Pagbabalik-TaNOW sa Dikta ng Kahapon
Ngayong araw nga, Hunyo 12, 2023 ay muli na naman nating ipinagdidiriwang ang Araw ng Kalayaan o araw ng ating kasarinlan. Ito ang araw, Hunyo 12, 1898, kung saan ginunita ang deklarasyon ng kalayaan ng bansa mula sa mabagsik na kamay at kolonyal na paghahari ng Espanya. Tiyak ko ngang hindi niyo nalilimutan ang utak ng tagumpay sa pamamahayag ng ating kasarinlan at pagsasarili na si Heneral Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo rin ng Pilipinas.
Bilang simbolo ng pagsisimula ng ating paglipad bilang isang bansa, tuluyang isinakatuparan ang proklamasyon ng kalayaan na isinagawa sa Kawit, Cavite sa pamamagitan ng pagtaas at pagwawagayway ni Aguinaldo ng ating watawat kasabay nito ay ang pagwawagayway din ng ating kadangalan tungo sa pagkakaisa at kaginhawaan.
Ang araw na iyon ay naging hudyat sa pagbukas ng panibagong pahina sa istorya ng nasyonalismo ng bansa. Simula noon, tuwing sasapit ang araw ng Hunyo 12 ay nagkakaroon ng pambansang holiday na sagisag bilang pagbibigay karangalan sa sakripisyo ng ating mga bayani. Dagdag pa, naging likas na sa lahat ang magsagawa ng seremonya, parada, 21 gun salutes at iba pang mga gawain upang maipahayag ang tangi nitong hangarin na magpasalamat at magpugay. Higit sa lahat ang maipakita natin na mulat tayo sa reyalidad na ang bakas ng kahapon ay ating naging daan upang patuloy na yakapin ang kamalayan, pagkakaisa at pagbubuklod-buklod dahil hindi lamang ito patungkol sa usapin ng kalayaan kundi usapin din ito ng kaunlaran.
Lahat ng mga hakbang na ginagawa ay tanda ng pagtataguyod at pagbabalik taNOW sa mayamang kasaysayan ng Pilipinas.
PaglaLAYAg: Ang Pilipinas sa Makabagong Siklo ng Kasarinlan
Alam at batid nating lahat na ang pagsakripisyo ng dugo, pawis at buhay ng ating mga bayani ay isang napakahalagang bahagi ng paglalayag ng bansa kung bakit ngayon ay natatamasa natin ang panibago nitong mukha. Ito ang Pilipinas ngayon na malaya na sa rehas ng pang-aalipin at pang-aabuso. Ang Pilipinas na malaya sa pagtatamasa ng natatangi nitong karapatan.
Banggit nga ni Pangulong Benigno C. Aquino sa kanyang talumpati para sa Araw ng Kalayaan noong June 12, 2016, "Ang ating kalayaan ay minsan ng naagaw ng mga kapwa nating Pilipino. Kung hindi tayo maging mapamatyag, ito ay maaaring mangyari muli. Kaya huwag sana tayong mawalan ng pasensya sa paraan ng demokrasya at huwag sana nating kaligtaan ito o maging pasibo sa pagtatanggol para sa ating pinaghirapang kalayaan na natamo sa pamamagitan ng dugo at sakripisyo ng mga makapangyarihang tao. Sana ito ay hindi na ulit hamunin, humulaw o tanggihan."
Kaya sa patuloy na pananagana ng sosyodad sa tunay na depinisyon ng kalayaan at tunay na kakanyahan ng demokrasya dapat ding mabatid ng lahat ang kahalagahan ng tungkulin at serbisyo. Kaya saan man paroroon lagi't laging isabuhay na ang kalayaan ay may mataas na halaga sa lipunan at ang pangangalaga at pagtaguyod nito ay isang kapakipakinabang na responsibilidad.
Ayon nga kay Nelson Mandela sa pagtukoy sa magandang paraan upang kabuuang ilarawan ang kalayaan, "Ang pagiging malaya ay hindi lamang para makawala sa sariling kadena. Ngunit para mabuhay sa isang paraan na iginagalang at pinahuhusay ang kalayaan ng iba."
コメント