top of page
Writer's pictureJasmine Joy Panes

Hindi natutuwa ang mga bayani

Updated: Aug 28, 2023


Kabayanihan ang siyang nagbigay ng kalayaan sa perlas ng silanganan laban sa mga dayuhang umalipin sa mga Pilipino sa sarili nitong bansa. Sa panahon ng pang-aabuso at kawalang-hustisya, buong-tapang na lumaban ang mga bayani, sa pamamagitan man ng dahas o mga salita. Taon-taon ay ginugunita ito ng mga Pilipino at taas-noo silang ipinagmamalaki. Subalit, isang kawalanghiyaan ang pakikipagdiwang sa araw na ito kung hanggang ngayon ay isa ka sa mga nagbubulag-bulagan sa nakalulugmok na sitwasyon ng bansa o di kaya ay bumubusal sa bibig ng sinumang naglalakas-loob na sumalungat sa kasalukuyang kalaban ng Pilipinas– hindi mga dayuhan, bagkus ay mga kapwa-Pilipinong sumisira sa bansa.


Upang bigyang pag-alala ang Sigaw ng Pugad Lawin na siyang nagsimula ng 1896 rebolusyon kontra sa imperyo ng Espanya, isinabatas ang Republic Act No. 3827 bilang Araw ng mga Bayani noong Oktubre 28, 1931. Ayon sa batas na ito, itinalaga ang huling Linggo ng Agosto bilang national holiday. Subalit, inilipat ito sa huling Lunes ng parehong buwan noong 2007 para sa praktikal na mga rason gaya ng pagiging bahagi nito sa long weekend at pagpapalakas ng ekonomiya sa pamamagitan ng turismo. Ipinagdiriwang ito ng mga Pilipino sa pamamagitan ng parada, pag-aalay ng bulaklak, pakikibahagi sa mga pagtitipon, online celebration sa mga social media, at marami pang iba.


Ngunit pagkatapos ng araw na ito ay tila tapos na rin ang pagiging makabayan ng mga Pilipino. Sa panahon ngayon ay talamak pa rin ang katiwalian ng pamahalaan, ang red-tagging at maging ang mga inaasahang po-protektang pulisya ang siya mismong mapang-abuso. Habang ang mga ito ay kinukondena ng iilan, marami pa rin ang pikit ang mata sa reyalidad na ito. Sa katunayan, ang iilang Pilipino pa ang mismong nagpapahirap sa kapwa nito sa pamamagitan ng kalabisan sa paggamit ng kapangyarihan laban sa mga maralitang Juan.


Ang panibagong administrasyon ay mas lumugmok sa kaawa-awang Pilipinas. Habang ang mga paaralan ay nagtitiis sa kakulangan ng silid-aralan at mga materyales, ang Bise Presidente at Department of Education Secretary Sara Duterte ay may P150-M confidential funds. Habang ang mga magsasaka naman ay unti-unting nawawalan ng lupain at naghihirap dahil sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno, ang Presidente at Department of Agriculture Secretary Ferdinand “Bongbong” Marcos ay nagpapakasasa sa P10.14 bilyon confidential funds. Lumubo na rin ang utang ng bansa sa tumataginting na P14.15 trilyon sa pagtatapos ng Hunyo 2023 ayon sa Bureau of Treasury. Nakagagalit isipin na talamak pa rin ang kurapsyon sa Pilipinas. Ang mga nakaupo ay patuloy na tumatamasa sa perang hindi sa kanila, samantalang ang mga maralitang naghalal sa mga ito ay isang kahig, isang tuka pa rin habang patuloy na umaasa sa kanilang mga ipinangako sa panahon ng kampanya.


Samantala, hindi na bago ang red-tagging sa Pilipinas. Noon pa lang ay ito na ang ginagawang panakot ng mga nasa itaas upang busalan ang bibig ng sinumang sumaway sa kanilang pansariling adhikain. Kadalasang biktima nito ay mga mamamahayag na buong-tapang na isinisiwalat ang kanilang kapalpakan at mga aktibistang bumuboses upang marinig ang hinaing ng mga nasa laylayan. Ang mas nakakapanlumo, maging mga ordinaryong Pilipino ang siyang pangunahing nangre-red tag at nangungutya sa mga ito dahil naging biktima sila ng mapang-abusong sistema at ikinulong sa maling paniniwala kung sino ang tunay na kalaban.


Kumakailan lang rin ay may panibagong binatilyo ang binaril ng pulisya sa Rodriguez, Rizal, ilang linggo ang nakalipas matapos ang pamamaril sa isang binatilyo rin sa Navotas. Isa na naman itong ‘pagkakamali’ dahil sa parehong insidente ay puros mga inosente ang pinaputukan ng mga inaasahang magpo-protekta sa mga ordinaryong Juan. Isang kabalintunaan na patuloy ang kritisismo ng ilan sa mga nagsasalita laban sa kapalpakan ng gobyerno ngunit nakasirado ang bibig sa pang-aabuso ng mga naka-uniporme.


Nagbuwis ng buhay ang ating mga ninuno upang makamit ang kalayaang inaasam-asam, ngunit ang kanilang mga paghihirap ay naisawalang-bahala dahil ang iilang mga Pilipino ay tahimik sa panahon ng kawalang-hustisya o di kaya ay nangunguna sa pangungutya sa mga nakikibaka tungo sa kapakanan ng nakararami.


Samantalang ang mga kasalukuyang lideres naman na umakit sa mga Juan sa pamamagitan ng matatamis na mga salita na siyang inaasahang aahon sa bansa mula sa karimlan, sila pa ang siyang nang-aalipusta sa mga Pilipino at nagpapakasarap sa kayamanang hindi nila pag-aari.

Kabayanihan laban sa mga dayuhan ang nagligtas sa bansa ilang siglo ang nakaraan, subalit kabayanihan din laban sa mga kapwa Pilipino ang dahan-dahang pumapaslang sa Pilipinas sa kasalukuyan.


Hindi ka bulag para hindi makita ang naghihirap na mga kababayan. Hindi ka bingi para hindi marinig ang hinaing ng mga inosenteng biktima ng inutil na gobyerno. At mas lalong hindi ka pipi para hindi magsalita patungkol sa karahasang nakikita mo sa iyong paligid.


Subalit kung patuloy kang nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan, at nagpipipi-pipihan habang makapal ang mukhang nakikipagdiwang sa araw na ito, ang mga tunay na bayaning nagsakripisyo ay hindi natutuwa sa kanilang nakikita.





62 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page