Walang masyadong dapat ipagbunyi. Ito ang punto ngayong ginugunita ang araw ng World Press Freedom na inilunsad ng United Nations General Assembly. Sa loob ng tatlong dekada, madami na ang nagbago sa daluyan ng paghatid ng impormasyon ngunit hindi ang dunong na patuloy ang pag-atake sa mga mamamahayag ng buong mundo at maging sa Pilipinas. Kasabay ng mga pinaglalamayang buhay ng mga dyorno sa bansa ay siya ring unti-unting pag-agnas sa ating malayang pamamahayag.
Sa datos ng 2022 World Press Freedom Index (WPFI) na taunang naghahanay sa sitwasyon ng press freedom sa buong mundo, nasa ika-147 ang Pilipinas sa 180 mga bansa. Ito ay umagwat ng siyam na hakbang mula sa pagiging 139 ranko taong 2021. Sa politikal na konteksto, inilahad ng Reporters Without Borders (RSF) na sa ilalim ng panunungkulan ng dating Pangulo Rodrigo Duterte, iilan sa mga news websites kagaya ng Rappler, Vera files, at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ay naka-eksperyensya ng pag-atakeng -sayber. Nakapanlulumong isipin na ang mga kritikal sa gobyerno ay nakararanas ng kaliwa’t kanang cyberattacks ng mga sinasabing pro-administration trolls.
Samantala, kung legal na balangkas ang pag-uusapan, ang mga batas sa Pilipinas ay hindi pinoprotektahan ang mga mamamahayag upang malayang makapagtrabaho kahit na may garantiya ang press freedom sa 1987 Konstitusyon. Ayon pa sa RSF, ginagamit ng gobyerno ang mga tuntuning nakaangkla sa pagmamay-ari ng midya at taxation para manligalig sa mga kritikal na midya gaya ng Rappler website at maging sa CEO nito na si Maria Ressa.
Ang pagpasok ng third media firm ng kompanya na pagmamay-ari ni Manny Villar, na apilyado kay Duterte, ay inilarawan ng RSF sa ekonomistang konteksto. Hindi maikakaila na ang mga dyorno na nagtatrabaho sa media outlet na ito ay may kakarampot na editorial autonomy, self-censorship ang prinsipyo, at ang respeto sa etika ng pamamayahag ay walang kasiguraduhan.
Dagdag pa rito, ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa bansa ay nananatiling nasa hangin ang kasiguraduhan. Si Percy Lapid, isang komentarista sa radyo at social media na nangahas na sumalungat sa kahariang binabagtas ng Duterte at BBM vloggers, ay pinaslang taong-nakaraan. Ilang buwan man ang lumipas, subalit hindi pa rin naghihilom ang sugat na idinulot ng pagpatay sa isa sa mga personalidad na ang tanging gusto lamang ay hindi manira, bagkus ay maglahad ng katototohahanan at maging boses laban sa kadiliman.
Bukod pa rito, ang talamak na red-tagging sa bansa ang siyang naglugmok pa sa Pilipinas sa ranggo nito sa WPFI. Ang Bagwis at ang mga miyembro mismo nito ay nakaranas, nakararanas, at posibleng makararanas pa ng pagmamarkang-pula mula sa mamamayang nangangailangan na pukawin ang natutulog na kamalayan. Gayunpaman, ang opisyal na publikasyon ng mga estudyante dito sa unibersidad ay patuloy na tatalima sa probisyong isinasaad sa Republic Act 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991.
Tunay ngang masalimuot at hindi biro ang pagpasok sa larangan ng pamamahayag. Panahon na upang tuldukan ang anumang anyo ng panggigipit sa mga mamamahayag ng bansa. Sa ating pagdalumat sa ika-tatlumpung taong anibersaryo ng World Press Freedom Day ay siya ring paghagkan sa hangarin na dapat ay walang buhay ng dyorno ang pinaglalamayan dahil sa pagiging kritikal sapagkat sa mga nakalipas na taon, maraming bangkay na ang naagnas bunsod ng nilalanggam na estado ng malayang pamamahayag sa buong mundo at maging sa ating nasyon.
Comments