top of page
Ronajean May Lavado

#BinIgNIT Overload: Kakaibang Atin




Tuwing sasapit ang Semana Santa, abala na naman ang ating mga kapatid na Katoliko para sa paghahanda sa isang linggong selebrasyon ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa araw din na ito ay kanselado ang mga trabaho at klase upang bigyang pagkakataon at respeto ang mga Katoliko na makapagdiriwang ng isang napakahalagang kaganapan sa kanilang relihiyon.


Ang pangyayaring ito ay isang sagrado para sa kanila. Katulad ng sa mga kapatid nating Muslim, may tinatawag din silang Pag-aayuno o ang bawal na pagkain lalo na ng mga karne na magsisimula sa araw ng Biyernes Santo. Kung kaya ay may isang espesyal silang pagkain na inihahanda na alternatibong pampalit sa mga kailangan nilang iwasan na pagkain.


Hirit ni Binignit sa Holy Week!


Hindi talaga mawawala sa hapag ng bawat Katoliko ang espesyal na pagkaing Binignit. Ito ay isang panghimagas at itinuturing na isang uri ng lugaw. Ito lamang ang tanging pampalit nila sa mga pagkaing ipinagbabawal na kainin sa kanila. Ito lamang ang tanging pagkain na nagbibigay lakas sa kanila upang malampasan naman ang isang araw na pakikibaka.


Dagdag pa, ang Binignit ay hindi lamang patok sa araw ng Semana Santa bagkus ito rin ay popular na meryenda ng mga Pilipino. Tunay ngang ito ay kakaiba at walang kahalintulad dahil sa taglay nitong mga kasangkapang pinaghalohalo gaya na lamang ng mga pangunahing sangkap nito na gata ng niyog, gabi, kamote, saging na saba, sago at landang.

Ang Istorya sa Likod ni Binignit!


Ngunit paano nga ba nadiskobre ang pagluluto ng Binignit?


Sa katunayan, ang Binignit ay sikat na panghimagas at kilala na nagmula sa Visayas lalo na sa Rehiyon ng Cebu. Ang tradisyon sa pagluluto nito ay nagsimula sa mga Cebuanong magsasaka. Naisipan nilang lutuin ang Binignit dahil ang kasangkapan nito na sariling produkto rin nila ay makasusustento sa kanilang enerhiya sa buong araw na pagsasaka kahit hindi na sila makakakain ng karne. Kung kaya ito ay itinuturing nilang pantawid gutom. Simula noon, naging tradisyunal na sa mga Pilipinong Katoliko ang pagluluto ng Binignit tuwing Mahal na Araw. Kadalasan na rin itong ginagawang meryenda ng bawat Juan.


Sa kabilang banda, marami na rin ang naging katawagan sa Binignit, Binegnit o Binignet para nga sa mga Bisaya. Ito ay tinatawag na Ginataang Lugaw ng mga Tagalog, Tabirak naman ang katawagan dito ng mga Cebuano sa Mindanao, Wit-wit sa Hiligaynon, Alpahor sa Chavacano at Scramble naman ang tawag sa Lungsod ng Tuguegarao. Subalit dito sa Mindanao ay kilala talaga ito sa katawagang Binignit.

Lutong Atin! Sariling Atin!


Paano nga ba niluluto ang Binignit?


Sa usapin ng pagluluto ng Binignit, may iba't ibang istilo ang mga Pinoy kung paano nila pagsunod-sunurin ang mga hakbang upang makabuo nito. Ngunit sa kabila ng mga pamamaraan nila iisa pa rin ang kalalabasan— Binignit!


Sinisimulan sa pagkakayod ng niyog at pagsasalin ng gata ang pagluto ng Binignit. Pagkatapos ay dinadagdagan ng katamtamang tubig ang niyog at pinipiga ng paulit-ulit hanggang makuha ang malabnaw na gata nito. Sa madaling pamamaraan, pagkatapos pakuluan ang tubig at gata ay unang inilalagay ang matitigas na kasangkapan gaya na lamang ng kamote, saging, gabi at iba pa. Hintayin itong lumambot ng bahagya at maaari ng idagdag ang bilo-bilo at timplahan na ito gamit ang puting asukal o mascuvado. Panghuli, ay inilalagay na ang sago at langka. Kung ating titingnan, simple lamang itong gawin ngunit kinakailangan ng matinding pagsisikap sa paghahalo upang maging perpekto ang magiging kinalabasan nito at maiwasan ang pagkabigo.

Batid na ng lahat na bahagi na ng ating kultura ang pagluluto ng Binignit na kadalasang umaapaw tuwing semana santa. Kaya hindi na ito bago sa panlasa ng lahat. Maliban sa malinamnam, ito ay masustansiya rin kaya ginagawa na itong meryenda. Masarap din itong kainin kapag mainit pa dahil malalasap mo talaga ang taglay nitong kakaibang sarap at lasa. Tunay nga itong kakaibang atin! Sariling atin! Lutong atin!


#BinIgNIT Overload!



238 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page