"This is your day and you deserve it!"
Ito ang mga katagang naging papuri ni Honorable Secretary Amenah F. Pangandaman, ang unang Filipina na naging Secretary ng Department of Budget and Management at ang Commencement Speaker ng Ika-44 Commencement Exercises ng Pamantasang Mindanao. Kanyang sinaluduhan ng buo puso ang mahigit 2000 na nagsipagtapos na nanggaling sa iba't ibang kurso dahil sa kanilang pagiging malakas, dahil sa kanilang paghimakas at dahil sa pag-alay nila ng kanilang kusog na harapin ang bawat unos na humamon sa kanilang katatagan at kakanyahan.
"Mahirap pero kaya!"
Dagdag pa niya, mahirap man ang naging napagdaanan ng bawat MSUan sa loob ng Pamantasan at maging sa labas man dahil karamihan sa kanila ay ipinagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho, ay dapat manatiling positibo. Dapat manatiling matatag dahil ang hirap at hamon na dala ng siklong paulit-ulit ay isa lamang na manipestasyon sa pagbuo ng kanilang pagkatao na maging globally competitive sa paglabas nila sa institusyon. Ang pagiging responsable, huwaran at may respeto sa kapwa sa kabila ng pagkakaiba ay ang tanging sandata upang harapin ang panibagong mukha ng pagbabago.
Binigyang puri rin ni Sec. Pangandaman ang mga magulang, nagsipagtayong magulang, guardian, mahal sa buhay at sa lahat ng mga taong patuloy na sumuporta at naging kakampi ng mga nagsipagtapos sa karerang kanilang nasimulan. Sila ay may malaking ambag at kontribusyon sa matagumpay na paglalakbay ng mga ito tungo sa rurok ng pagkakakinlanlan.
litrato ni Katrina Elises
Pagpupugay: Ang Matagumpay na Paglalakbay
Isang masigabong Palakpakan!
Isang malakas na hiyawan!
Sa usapin ng kadakilaan, panibagong patunay na naman sa kasaysayan ng institusyon ang mahigit 400 na nagsipagtapos na nakasungkit ng Latin Honors at may dalawang university leadership awardees ang naparangalan. Lahat ng ito ay bunga ng pagpupursige ng mga MSUan na itaas ang bandera ng Pamantasan upang patuloy itong magliyab at kuminang sa iba't ibang larangan.
Binigyan rin ni Sec. Pangandaman ng espesyal na pagpupuri at pagsuludo ang tatlong natatanging estudyante dahil sila ay nagkamit ng tunay na kahulugan ng LaHimSug (Lakas, Himakas, Kusog). Sila ay ilan lamang sa tunay na mukha ng, 'Wala sa kapasidad, diversidad o sa edad ang paghahangad ng tagumpay sa sarili kundi ito ay nasa kapasidad.'
Ang tatlong natatanging MSUan na ito na sumabak sa tunay na depinesyon ng LaHimSug ay sina Martsu Lardia ng College of Law, Brent Lloyd Licayan ng College of Social Sciences and Humanities at Kate Margarette Lim ng Bachelor of Science in Fisheries. Sila ay tunay na inspirasyon.
litrato ni Katrina Elises
HISTORya ng Kadakilaan
Sa istorya ng kadakilaan, tunay ngang inspirasyon ng lahat si Mark Sue Lardia dahil sa kabila ng kapansanang kanyang iniinda (visually impaired) ay patuloy itong nakipagpatintero sa kanyang mga pangarap. Dahil sa kanyang paghimakas, ngayon ay matagumpay siyang nakapagtapos mula sa College of Law at kasalukuyang nagrereview para sa kanyang bar examination kung kaya ay hindi siya nakapagdalo sa naganap na graduation.
"Martsu, ang galing mo at bilib kami sa iyo. Isa kang tunay na huwaran!" Ito ang mga salitang nais ipaabot ni Sec. Pangandaman sa kanya. Bilin niya kay Martsu na patuloy nitong yakapin ang malinaw na vision para sa magandang kinabukasan. Dagdag pa niya, "Push yourself, pass your limits."
"Always wear your identity with pride, aim to be the voice of your community, make them your constant sources of inspiration!" Ito naman ang mga katagang inihabilin ni Sec. Amenah kay Brent Lloyd Licayan isang T'boli graduate mula sa Timog Cotabato. Tunay ngang siya ay kahangahanga dahil si Brent lamang ang ika-tatlong nakasungkit ng titulong Magna Cum Laude sa kanilang tribu at ang mas nakakabilib ay ang kaunahang-unahanang nakapag-ambag ng isang pinakamataas na karangalan sa kanila ay ang kanyang ina na isa ring MSUan. Nananalaytay sa kanilang dugo ang tunay kagalingan ng kanilang tribu.
'Kursong minamaliit, kursong hindi popular!'
Nakapagtapos si Kate Margareth Lim bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Fisheries. Siya ang isang babae na pursigidong tinanggap ang mundo ng hindi lamang pangingisda ang maging trabaho kundi ang kursong ito ay isang malaking responsibilidad na nangangailangan ng matinding pananaliksik, konserbasyon at pamamahala ng aquatic ecosystem. Kaya habilin ni Sec. Amenah sa kanya na walang impossible. Patuloy niyang lalanguyin ang kailaliman ng katotohanan na ang kurso niya may malaking gampanin para sa kaunlaran ng ekonomiya ng bansa.
"Sky is the limit, be the light!"
litrato ni Katrina Elises
Hanggang sa Muli!
'Celebrating golden years of pursuing excellence, creating champion of peace and development.'
Ito ang naging tema ngayong selebrasyon ng pagtatapos ng Batch Lahimsug. Kaya sa pagsira ng kanilang pahina, dapat lagi nilang pakatandaan ang tunay na kahulugan ng Lakas, Himakas at Kusog at laging isaisip at isapuso ang karangalan para sa Dakilang Pamantasan.
"MSU was fully committed to their endeavor. Inculcated in the minds and the hearts of every MSUan as embedded in the institutions' core mission to provide competent human resources for the development of Southern Mindanao and to help improve the living conditions of Muslims and Indigenous people."
Hindi lamang ito usapin sa kung ano ang maiiambag ng bawat MSUan para sa kaunlaran ng institusyon kundi usapin ito kung paano nahulma ang bawat isa sa pagsulong ng kapayapaan para sa sarili, para sa Pamantasang Mindanao at para sa lahat lalo na sa mga kapatid nating Muslim.
"Focus on excellence, peace and development because not a lot of people realize that everything we do must be the pursuit of forging a path to peace."
Kaya hanggang sa muli Batch Lahimsug, patuloy na iwagayway ang karangalan bilang isang globally competitive at isang tatak MSUan.
Comments