top of page
Cathylene Bulado

Angara Sports Fest League: sikLABAN ng mga Kampyeon


“I hereby officially declare, Angara Sports Fest 2023, OPEN!”

Binalot ng hiyawan at ugong ng suporta ang Mindanao State University - General Santos City Gymnasium nang inanunsyo na ni Chancellor JD. Usman D. Aragasi, MPA, ang pagbubukas ng Angara Sports 4th League Fest’23. Dala ang pag-asa at lakas ng loob, umarangkada ang mga atletang MSUan ng bawat kolehiyo upang makilahok at subukang i-uwi ang kampeonato.


Ang Angara Sports 4th League Fest’23 na may temang: Molding Patriotic Student-athletes for Health and Wellness through sports, ay isa sa mga proyekto ni Senador Juan Edgardo "Sonny" Angara sa ilalim ng kanyang pamumuno, na ang layon ay hubugin ang mga estudyanteng mag-aaral hindi lamang sa larangan ng akademiko ngunit pati na rin sa sports. Idinaos ang nasabing event sa mismong Gymnasium ng Pamantasang Mindanao, General Santos City, ika-8 ng Setyembre, akademikong taon 2023-2024.


Sinimulan ang inagurasyon ng programa ng isang parada na pinamumunuan ng SSC, kasunod ay ang mga kataas-taasang pinuno ng bawat kolehiyo kasama ang kanilang sports heads. Sinundan naman ito ng mga tournament heads, officials, university executives at ang representante ng senador na si Ginoong Niño Nuñez, na bumyahe pa mula Luzon upang matunghayan ang inagurasyon at mga kaganapan sa dalawang araw na programa. Hindi naman nagpahuli ang mga manlalaro ng iba’t ibang kolehiyo na suot ang kanya-kanyang jerseys.


BalinsaSAYAW: nagpakitang gilas sa Opening Salvo


Nagsilbing isang pasabog para sa lahat ang itinanghal ng Balinsasayaw Dance Ensemble. Ipinakita nila ang kanilang kanya-kanyang angking talento, mula sa larangan ng Dance Gymnastics – kung saan ibinida ang kanilang flexibility, kasunod ang dance sports – kung saan ibinida ang latin category, at ang hiphop na ipinakita ang taglay na 'groove' ng bawat mananayaw. Napapa-indak din ang mga dumalo nang itinanghal na nila ang community dance na kung saan lahat ng mananayaw mula gymnastics, dance sports at hiphop ay sabay-sabay na umindak kasabay sa tugtog ng musika. Umani naman sila ng palakpakan mula sa madla maging papuri at imbitasyon kay Chancellor Aragasi sa kanilang ipinakitang dance routine.


sikLABAN: Hindi lamang isang laro


"Not just a Competition"

Mainit na hayag ni Chancellor JD. Usman D. Aragasi, MPA sa kanyang mensahe ukol sa event. Saad niya ay ang naturang kaganapan ay hindi lamang kompetisyon ngunit isang daan din upang magkaroon ng pagkakaisa at pagkakaintindihan ang bawat mag-aaral.


“With 3 months to prepare, hindi naging madali ang proseso.”


Pagbabahagi ni Ginoong Arnel Reyes, tournament manager at varsity coach ng volleyball women ng MSU-GSC. Saad niya’y saksi siya sa bawat butil ng pawis mula sa pagsisikap na maitawid at maging magandang karanasan ang programang Angara Sports 4th League Fest’23 para sa mga atletang MSUan. Sa loob ng tatlong buwan ay kinakailangan nilang magsikap na maibigay ang lahat ng kinakailangang mga papeles upang magkaroon ng budget para sa mga sports equipment at iba’t ibang kinakailangan sa programa. Bukod roon, dahil sa kakulangan ng budget, mayroong mga sports event na nais sana nilang idagdag ngunit hindi na ituloy dahil napagpasyahang mga pangunahing laro na lamang.


Sa kabila ng pagod, ani niya’y nagsilbing motibasyon para sa kanila ang pagiging sigasig ng mga mag-aaral at pananabik sa muling pagbabalik ng programa. Dagdag niya pa’y planning pa lamang ay dumaragsa na ang mga interesadong lumahok sa mga aktibidad ng programa.


Angara Sports Fest: Pagbabalik TANAW


Ang programang Angara Cup na ngayon ay Sports fest na, ay nagsimula noong 2017 kung saan ang tagapangasiwa pa noon ng Pamantasan ay si Atty. Abdurahman T. Canacan. Nagpatuloy ito hanggang 2019, ngunit dahil sa pandemya ay naitigil. Ngayong muling nagbabalik ang programa, ani niya’y magiging isang Mini Intramurals ang mainit na labanan mula sa iba’t ibang kolehiyo ng MSU-GSC. Magiging daan ang programang ito upang maging handa ang bawat Atletang MSUan sa naglalagablab na labanan sa darating na Golden Intramurals.


"Play well, give your heart, and be deserving of the title.”

Mensahe ni Ginoong Arnel Reyes sa mga Atletang nakilahok sa programa. Hangad niyang maging isang daan ang programa upang mawili ang mga mag-aaral na sumali sa mga sports events sa darating na Intramurals. Hangad niya rin ang kapayapaan at tagumpay ng Angara Sports 4th Leg Fest’23 at ipinangako na magiging kaabang abang ang mga kaganapan ng programa.


Hindi man ramdam ng iilan na mag-aaral, ngunit sa bawat Atletang MSUan na dala ang bawat pangalan ng kolehiyo na kinabibilangan, sila ay makikipag subukan ng tapang, kakayahan at talento habang nilulusong ang nag-aalab na daan patungo sa kampyeonato. Sa tanong sa ‘sino?’, magkakaroon kaya ng simbolismo ang kung sino man ang mananalo ngayon sa darating na Intramurals?









152 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page