John Paul L. Siapel at Dave D. Modina
Sa bisa ng Memorandum Order No. 073-24C, inatasan ang lahat ng freshmen at transferees na makilahok sa inilunsad na General Orientation ng Mindanao State University - General Santos City (MSU-GSC) sa taong panuruan 2024-2025.
Inilunsad ang oryentasyon upang talakayin ang mga mahahalagang programa at serbisyong inaalok ng Office of Student Affairs (OSA), at upang bigyan ng pagkakataon ang mga bagong mag-aaral na makapaglahad ng katanungan at suhestiyon sa mga programang ibinahagi ng OSA sa mag-aaral ng nasabing pamantasan.
Tinalakay sa pagtitipon ang mga serbisyong may kinalaman sa kalagayan ng mga mag-aaral, tulad ng medical services, guidance and counselling, ICT services, scholarship programs, at marami pang iba.
Ayon kay Dr. Norman Ralph Isla, Vice Chancellor of Student Affairs (VCSA), mahalagang bigyang importansya ang pagkakataong makapasok sa Pamantasang Mindanao.
"Mahirap ang makapasok sa MSU-GSC pero mas mahirap ang makalabas, para makalabas, kailangan niyong i-master [ang] lahat ng requirements sa inyong curriculum," saad niya.
Dagdag pa niya, mahalaga rin na huwag kaligtaan ang pagbibigay ng pansin sa mga namumuno sa iba't-ibang departamento.
Ayon naman kay Jollian C. Carlon, mag-aaral ng Bachelor of Science in Mathematics, nagagalak siyang lumahok sa nasabing programa, lalo na at natalakay ang mga serbisyong iniaalok ng iba't-ibang sektor para sa mga katulad niyang mag-aaral.
"Na-amaze ko kay naay orientation for freshies and daghan kaayo mi naturuan inside, and it taught us na [ang] MSU kay daghan kaayo ug services na ilang gina-offer," ayon sa kanyang nabanggit.
Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng mga estudyante mula sa iba't-ibang kolehiyo ng pamantasan na kung saan ang kolehiyo ng Agrikultura, Edukasyon, Inhinyero, at Agham at Matematika ay nabibilang sa pang-umagang sesyon.
Samantala, ang kolehiyo ng Social Sciences and Humanities, Fisheries, Business Administration and Accountancy at Institute of Islamic, Arabic, and International studies ay nabibilang sa pang-hapong sesyon.
Comments