top of page

2 estudyante mula CSSH, umapela sa panukalang P80 iisingil ng SSC

Updated: May 19, 2023


TINIG NG MSUan. Kinuwestiyon ni Ramzel Delloro, mag-aaral mula CSSH, ang SSC hinggil sa nasasaad sa Artikulo 5, Seksyon 7 ng inamyendang CBL. Kuha ni John Ross Sambanan.


Umulan ng salitan ng mga argumento sa isinagawang Special General Assembly ng Supreme Student Council (SSC) matapos umapela ang dalawang estudyante mula College of Social Science and Humanities kung nararapat bang itaas sa P80 mula P50 ang babayaring SSC Fee ng mga MSUan, Mayo 17.


Isinagawa ang nasabing pagtitipon upang ihain sa mga estudyante ng Mindanao State University-General Santos City (MSU-GSC) ang mga pagbabago sa Constitution and By-Laws (CBL) ng SSC na bunga ng tatlong araw na Constitutional Convention noong Abril 1, 15, 21 ngayong taon na kung saan sinuri ng SSC ang 2016 CBL at dinagdagan o mas pinatibay pa nito ang mga nakasaad.


Bilang mga MSUan na makikinabang sa CBL ng SSC, binusisi nina Leonard Tucjayao at Ramzel Delloro, kapwa mula College of Social Sciences and Humanities, ang laman ng inamyendahang CBL. Kinuwestiyon ni Delloro ang mga opisyales ng SSC lalo na ang Artikulo 5, Seksyon 7 dahil sa nakasaad na bagong P80 na babayarang SSC fee ng mga estudyante.


“There are some factors why we opt to raise the fee. First, because of inflation since prices of materials and goods are now rising. Second, time value of money because if we still have the P50 collection then it is not enough to cover the costs in the future. Lastly, this is also to improve the quality services of SSC since having this budget cannot really suffice the events,” tugon pa ni Hon. Randy C. Juaneza Jr.

Sagot naman ni Tucjayao na kung dahil sa inflation ay itataas nila ang singil, mas lalong dapat ay huwag na nilang itaas sa P80 at panatilihin na lang ito sa P50 sapagkat nakararanas din ng epekto ang mga estudyante ng inflation.

Idiniin pa rin ng mga opisyales na kinakailangan pa rin na P80 ang dapat na kokolektahin dahil sa malaking kakulangan ng badyet sa bawat aktibidad na ginagawa ng organisasyon lalo na at nangangailangan ito ng malalaking badyet upang maiparanas sa mga MSUan ang kalidad at masayang karanasan na inoorganisa ng SSC.


Pagkatapos ng salitan ng pagpapaliwanag, napagdesisyunan ng presiding officer na si Hon. Romeo E. Tejada Jr., 2023 Constitutional Convention Chairperson, na bumoto ang lahat kung itutuloy sa P80 ang SSC fee o ibabalik sa P50. Ngunit, umalma ulit sina Delloro at Tucjayao dahil sa maliit na populasyon na nasa asembelya kagaya na lamang sa kanilang kolehiyo na 50 estudyante mula CSSH ang pumunta ngunit hindi ito kayang irepresenta ang damdamin ng 1300 estudyante sa naturang kolehiyo.


Giit ng mga commissioner at council, hinahamon daw ng dalawa ang nakalahad sa 2016 CBL dahil “quorum” ang naturang asembleya dahil nandoon ang lima sa pitong kolehiyo kahit maliit na lamang ang populasyon na dumalo sa bawat kolehiyo kaya sinabi pa ring mabisa ang pagdaraos ng botohan.

Sa huli, napagkasunduang sa susunod na sesyon ng General Assembly na lang magboboto upang maraming MSUan ang makakasali. Hindi na rin natapos ang Special General Assembly dahil sa paliit nang paliit na ang dumalong estudyante at kulang sa oras. Ayon sa Facebook post ng SSC, magkakaroon ng ikalawang sesyon sa susunod na linggo hinggil pa rin sa inamyendang CBL at pagbobotohan na kung sasang-ayon ang lahat dahil sa susunod na tatlo hanggang walong taon, ang iminungkahing CBL ay mamamahala sa lahat ng MSUanS.

170 views0 comments

Comments


bottom of page