Umabot sa 152 bags na dugo ang nalikom ng MSU-Gensan Pre-Medical Society sa kanilang inorganisang taunang Blood Olympics: A Blood Letting Activity katuwang ang Philippine Red Cross Gensan Chapter at iba pang organisasyon na layong tugunan ang kakulangan sa suplay ng dugo sa mga pampubliko at pribadong pagamutan, Marso 1.
Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng mga estudyante at fakulti ng pamantasan na ginanap sa Audio Visual Room-University Library upang kahit sa donasyong ito ay makatulong sila sa mga pasyenteng nangangailangan ng ligtas at kalidad na dugo.
Ayon kay G. Lywil Jan Gallinero, Pangulo ng Pre-Medical Society, layunin ng Blood Olympics na tulungan ang Philippine Red Cross upang makahanap ng suplay ng dugo sapagkat araw-araw ay may kailangang salinan.
Aniya, kahit kakaunti lamang ang malilikom ay malaki na ang maitutulong nito upang dugtungan ang buhay ng karamihan, lalong-lalo na sa kababaihan.
“Kahit maka bigay lang tayo sa Red Cross ng 100 bags or more ay malaki na ang impact nyan sa society dahil marami tayong matutulungan na mga hospitals, especially sa mga babae na buntis dahil sila talaga ‘yong majority na nangangailangan dahil sila ang maraming complications compare sa mga lalaki,” pahayag ni Gallinero.
Samantala, masayang ibinahagi ni Bb. Gwyn Cartel, isang 4th year Sociology Student ang kaniyang naging karanasan dahil kahit ito ang kaniyang unang karanasan sa blood donation ay hindi siya nagsisi at masaya siyang may maliligtas siyang buhay sa pamamagitan ng kaniyang dugo.
“After gid nako mag donate, cliché man pero satisfying jud and fulfilling kay ma-imagine na nako nga naa jud koy matabangan sa gihatag nako nga dugo,” saad ng estudyante.
Comments